Home NATIONWIDE Performace, ‘di connections batayan sa promosyon sa BOC – Mendoza

Performace, ‘di connections batayan sa promosyon sa BOC – Mendoza

1
0

MANILA, Philippines – Binigyang-diin ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Charlito Martin R. Mendoza ang mas pinaigting na koleksiyon ng buwis, kampanya laban sa smuggling at pagbibigay-kapangyarihan sa mga empleyado batay sa kanilang merito at performance.

Sa kanyang unang flag-raising ceremony bilang BOC chief nitong Nobyembre 23, 2026, sa Central Office at Port of Manila, inilatag ni Mendoza ang mga pangunahing prayoridad upang mapahusay ang operasyon at serbisyo ng ahensya.

Iginiit ni Mendoza na dapat magkasabay ang paglaban sa mga ilegal na gawain at pangangalaga sa kapakanan ng mga tauhan ng Bureau.

“Warfare should always go hand in hand with the welfare of our employees,” ani Mendoza, na nagbigay-diin na ang mga promosyon, pagtatalaga sa puwesto at pagkuha ng bagong empleyado ay dapat nakabatay sa kakayahan at performance, hindi sa koneksiyon.

“Promotions, designations, and hirings will be based on performance, not on connections,” dagdag niya.

Kasabay nito, nanawagan ang Customs chief sa kanyang mga tauhan na paigtingin ang pagbabantay sa mga hangganan ng bansa upang masugpo ang pagpasok ng mga kontrabando, partikular ang mga ilegal na produktong agrikultural na maaaring makapinsala sa lokal na industriya at mga magsasaka.

Binigyang-diin ni Mendoza na kailangang maging mas alerto ang mga tauhan ng BOC at huwag hayaang makalusot ang agricultural smuggling.

Sa usapin naman ng trade facilitation, ipinag-utos ang pagsisikap na bawasan ang red tape, gawing mas simple ang mga proseso sa Customs, limitahan ang mga dokumentong hinihingi at linawin ang mga patakaran para sa mga negosyante at investor.

Ayon kay Mendoza, hindi ang mahihirap na requirements ang pangunahing problema ng mga negosyante kundi ang pabago-bago at hindi tiyak na mga patakaran na nagpapahirap sa pagsunod sa proseso.

Target din ng BOC na malampasan ang ₱1-trilyong koleksiyon ngayong 2026, habang naghahanda sa mas mataas na revenue target na ₱1.074 trilyon sa 2027.

Kumpiyansa si Mendoza na maaabot ang mga target kung magtutulungan ang lahat ng personnel at mananatiling tapat sa kanilang tungkulin.

Sa naturang seremonya, inilunsad din ang paggunita ng BOC sa 18-Day Campaign to End Violence Against Women, kung saan nanawagan ang commissioner sa paglikha ng ligtas at respetadong workplace na nagbibigay ng pantay na oportunidad sa kababaihan, kabilang ang pagkakataong mamuno at umangat sa serbisyo.

Pormal na nanungkulan si Mendoza bilang BOC commissioner noong Nobyembre 19 matapos manumpa kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Nobyembre 13, 2026. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here