Home NATIONWIDE Double singit ng Kamara sa flood control, nabuko ni Lacson sa 2027...

Double singit ng Kamara sa flood control, nabuko ni Lacson sa 2027 national budget

1
0

MANILA, Philippines – Walang natukoy na kongresista kung sino ang nagsingit ng dalawang beses na badyet para flood control program na nabuko ni Senador Panfilo Lacson sa 2027 national budget.

Sa pahayag, sinabi ni Lacson na hindi pa man humuhupa ang galit ng publiko sa mga maanomalyang flood control project, may natuklasan na namang iregularidad sa panukalang 2027 budget: dobleng alokasyon para sa ilang flood control project.

Sinabi ni Lacson na isusulong niyang alisin ang mga doble o maging maramihang alokasyon sa proyekto sa pagtalakay ng Senado sa panukalang budget at, kung kinakailangan, sa bicameral conference committee.

“Meron pa rin kaming nasilip. Double appropriations. Flood control na nga, doble pa yung appropriations,” aniya sa panayam sa DZMM radio.

Sinabi niyang bukod pa ito sa hindi bababa sa 30 multong multi-purpose building (MPB) na nakita sa panukalang budget, na isusulong din niyang alisin.

Noong weekend, binatikos ni Lacson ang mga alokasyon para sa 3,950 MPB, na hiwalay pa sa 1,584 MPB na saklaw ng Financial Assistance to Local Government Units (LGU) subprogram ng Local Government Support Fund (LGSF) mula 2022 hanggang 2026.

Binanggit niya ang hindi bababa sa isang kaso kung saan nabigyan na ng alokasyon ang ilang MPB sa mga nakaraang taon, kabilang ang 2024, 2025 at 2026, ngunit wala pa ring naitayong istruktura sa mga itinakdang lokasyon hanggang ngayong 2026.

“Ang na-flag ng team namin at least 30 kung saan saang sulok ng Pilipinas,” aniya.

Batay sa mga paunang natuklasan, sinabi ni Lacson na may mga “commission” din sa mga MPB, bagaman hindi ito kasinglaki ng nakukuha sa mga flood control project.

Sinabi niyang maaaring umabot sa 10 porsiyento ang “standard” commission sa mga MPB. Sa mga naunang pahayag ngayong taon, binanggit ni Lacson ang 15 hanggang 30 porsiyentong kickback para sa mga nagmumungkahi ng mga maanomalyang flood control project.

Sa ngayon, patuloy na sinusuri ni Lacson at ng kanyang staff ang panukalang budget upang matukoy ang mga kahina-hinalang alokasyon at maisulong ang pagtanggal ng mga ito sa panukala.

“Sa Senate version lang, mayroon pa kaming period of amendments. Pag maipakita naman sa aming mga kasamahan na hindi kailangan kasi doble na yung appropriation sa iisang proyekto, palagay ko, matuwid naman na tanggalin yun hanggang sa bicam,” ani Lacson.

“Hanggang ngayon, patuloy pa rin yung pagkalkal namin, nadadagdagan yung mga ganong klaseng mga appropriations. Pag doble, dapat tanggalin na talaga yung isa. Quadruple, tanggalin yung tatlo,” dagdag niya. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here