Home NATIONWIDE Motor taxi riders pinaaarmasan ng body cams para sa kaligtasan

Motor taxi riders pinaaarmasan ng body cams para sa kaligtasan

4
0

MANILA, Philippines — Maaaring obligahin ang mga motorcycle taxi rider na magsuot ng body camera bilang bahagi ng mga panukalang hakbang upang palakasin ang kaligtasan ng mga rider at pasahero.

Iniharap ng mga motorcycle taxi company at 1-Rider party-list ang panukala sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pagdinig ng House Committee on Transportation.

Lalong umigting ang panawagan para sa mas mahigpit na safety measures matapos mapatay si motorcycle taxi rider Ren Ren de la Viga sa Cavite at masaksak ng ice pick si Fabio Norberte Jr. sa Caloocan City.

“Kung kayang i-provide ng kanilang operator na may bodycam din para malaking bagay po yon na deterrent, na lahat ng riders mayroon siyang monitoring ng camera,” ayon kay Highway Patrol Group Colonel Joel Jucutan.

Gumagawa rin ang LTFRB ng memorandum circular na mag-aatas sa lahat ng transport network company, kabilang ang four-wheel ride-hailing services at motorcycle taxi providers, na magpatupad ng mandatory Know Your Customer verification para sa mga pasahero.

“Ang nakasaad dito, yung ating mga pasahero ay kailangan nilang gumawa ng account, mag-submit ng government ID at magkaroon ng real-time facial verification bago sila makagawa ng account doon sa platform na ‘yon. Kapag ang booking na matatanggap ng ating riders ay hindi verified, pwede niya itong hindi tanggapin o ikansela without any penalties on our part,” ani LTFRB’s Greg Pua.

Sa ilalim ng panukala, kailangang magsumite ang mga pasahero ng government-issued ID at sumailalim sa real-time facial verification bago makagawa ng account. Maaari namang tanggihan o kanselahin ng rider nang walang penalty ang booking mula sa hindi beripikadong pasahero.

Sinabi ni 1-Rider party-list Representative Ramon Rodrigo Gutierrez na magtatakda ang memorandum circular ng malinaw na patakaran para sa kaligtasan ng mga rider at pasahero.

Nanawagan din siya sa mga law enforcement agency na palakasin ang presensya ng pulisya, lalo na sa mga lugar na itinuturing na high-risk.

Tinalakay rin sa pagdinig ang posibleng insurance coverage para sa mga rider at pasahero, gayundin ang mga benepisyong dapat matanggap ng motorcycle taxi riders sa ilalim ng batas. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here