Home NATIONWIDE Cayetano itinanggi hirit na ‘ceasefire’ kay Lacson

Cayetano itinanggi hirit na ‘ceasefire’ kay Lacson

1
0

MANILA — Itinanggi ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na humingi siya ng “ceasefire” sa lumalalang sagutan nila ni Senator Panfilo Lacson kaugnay ng mga umano’y maanomalyang infrastructure project sa Taguig City.

Sa isang social media livestream, sinabi ni Cayetano na handa siyang humarap sa imbestigasyon ngunit iginiit na hindi sa kaniya nagmula ang salitang “ceasefire.”

“Imbestigahan ang dapat imbestigahan. Wala naman nagsa-suggest nang kung ano-ano. Ang salitang si ceasefire hindi po nanggaling sa akin. Tinanong ako ng isang senador na, habang inaayos natin lahat, wala pa naman members yung ibang committee, habang hinihintay natin ang SONA, yung LEDAC, ano ba tingin mo, Alan?” ani Cayetano.

Ayon sa senador, nag-usap-usap ang ilang miyembro ng Senado dahil ayaw nilang lumala ang sigalot sa kapulungan. Gayunman, sinabi niyang patas na imbestigasyon at paglabas ng katotohanan lamang ang kaniyang hinihingi.

“At bakit niya sinasabing humihingi ako ng ceasefire? So, nung nagsimula siya magsabi ng mga alegasyon, nakikinig lang ako. Sabi niya, may ghost. Di naman niya sinabi ko, saan? So, syempre, sinabi ko lang, wala. O, tapos, inaraw-araw na niya ako. Tapos totoo na nag-uusap-usap yung mga senador. At alam niya yun. At isang senador nagsabi sa akin, actually mahigit sa isa, Alan, hanggang saan ‘to? Sabi ko, yung para sa bansa, kailangan lumabas yung totoo. But reasonable kami. At hindi kami papayag sa sinungaling, hindi kami papayag na kung saan-saan dinadala. Ang gusto lang namin, patas at lumabas yung totoo, katotohanan.”

Nauna nang tumanggi si Lacson sa anumang ceasefire matapos niyang isumite sa Ombudsman ang ebidensiya kaugnay ng limang umano’y maanomalyang infrastructure project sa Taguig City.

“CEASEFIRE MY FOOT! Anong uri ng tao ang magde-declare ng giyera, toy gun ang dala, at laway ang bala; pag na-confront ng bomba, magre-request ng ceasefire, pabulong pa?” pahayag ni Lacson sa X.

Sinabi rin niyang ilalantad sa mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ang detalye ng limang Taguig case study.

“‘Malicious pero delicious’—bumigay na yata. Kung anu-ano na pinagsasabi. The public may partake of the “delicious” part if they watch the Blue Ribbon Committee hearings where the details of the truth behind the 5 Taguig case studies that we submitted to the Ombudsman will be exposed,” ani Lacson.

“We are looking at cases of plunder, malversation, violations of the Anti Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019), etc.,” dagdag niya.

Iginiit ni Cayetano na wala siyang tutol sa imbestigasyon basta patas ito.

“I really don’t mind the investigation. Basta patas lang. So, concern po yan ng buong Senado at ng mga kasamahan. Kaya lang nga, medyo ilang din kay Sen. Lacson. And ayaw ng maraming senador na may gulo.”

Inakusahan din niya ang mga awtoridad na inuuna ang pag-iimbestiga sa mga senador mula sa oposisyon at kinuwestiyon kung pantay ang pagpapatupad nito.

“Ang gusto unahin, lahat muna ng oposisyon. So, kung sasabihin Pangulo para sa lahat, let’s give him the benefit of the doubt. But, na sa action eh. Wala sa salita eh. Di ba? So, kung isa-isahin kami mga oposisyon, tapos sasabihin ni Senator Lacson, ah, kita mo, hindi guilty, etc. Siya na lang namimili eh.”

Ipinagtanggol din ni Cayetano ang mga proyekto sa Taguig, na aniya’y napakikinabangan ng libo-libong residente at motorista mula sa mga karatig na lugar.

“Yung mga ibang projects po na sinasabi ni Sen. Lacson, pinapakinabangan ng daanlibong tao yan. Yung ilang mga parks, pag Christmas lang po, 20-30,000. Yung daanan na isang sinasabi nila, dinadaanan ng mga galing Laguna papuntang Rizal. Alam niyo naman po, Arca South, BGC, whether mga kapitbahay namin sa Muntinlupa, Las Piñas, Makati, Pasig, Pateros ay dumadaan din diyan. So, pag tinigil yung mga projects, or binitin, or hindi nilabas ang pondo, ang nagsa-suffer diyan mga tao.”

Umabot din ang sagutan sa net worth ni Lacson at sa mga umano’y budget insertion ni Cayetano. Naunang sinabi ni Lacson na tumaas ang kaniyang net worth mula P58.7 milyon noong 2022 sa P244.9 milyon noong 2025 dahil sa mga lehitimong negosyo at transaksiyon sa real estate na binayaran niya ng kaukulang buwis.

Inakusahan naman ni Lacson si Cayetano ng pagkakaroon ng P6.79 bilyong budget insertion sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act. Ipinaliwanag ni Cayetano na inihambing lamang niya ang kayamanan ni Lacson sa mga usaping ibinabato kaugnay ng kita at Statement of Assets, Liabilities and Net Worth ng Bise Presidente.

Ipinagtanggol din ni Cayetano ang pagiging kritikal nila ni Senator Pia Cayetano sa administrasyon, dahil iilan lamang umano sa Senado ang nagsasalita. Inakusahan niya si Lacson na piling mga senador lamang ang tinututukan sa mga imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee habang tila iniiwasang idawit ang kaniyang mga kaalyado. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here