Home METRO Babaeng ‘NPA official’, kinakasamang Fil-Am, arestado sa Laguna

Babaeng ‘NPA official’, kinakasamang Fil-Am, arestado sa Laguna

3
0

CALAMBA CITY, Laguna — Arestado sa pinagsanib na operasyon ng militar at pulisya ang isang babaeng opisyal umano ng New People’s Army at ang kanyang Filipino-American na kasama sa Cabuyao City, Laguna nitong Huwebes.

Ayon sa 2nd Infantry Division (2ID) ng Philippine Army, nagsilbi ang mga awtoridad ng warrant of arrest laban kay Binay Serrano, alyas Samay, na nahaharap sa kasong murder sa isang lokal na hukuman.

Kinilala ng militar si Serrano bilang medical at logistics officer ng NPA Platoon GMT.

Dinakip din si Cristina Pasion, isang Filipino-American na kasama ni Serrano nang isilbi ang warrant. Isinailalim siya sa kustodiya ng Bureau of Immigration kaugnay ng umano’y mga paglabag sa batas sa imigrasyon.

Sinabi ng militar na kaanib si Pasion ng Migrante International at huling naiulat na kasama ang kapwa Filipino-American na si Chantal Anicoche at ilang miyembro ng NPA sa Mindoro noong Disyembre 2025.

Narekober din umano ng mga imbestigador sa hiwalay na encounter site ang isang notebook na may mga tala hinggil sa aktibidad at internal discussions ng grupo, gayundin sa personal na karanasan ng mga indibidwal na nanatili sa armadong kilusan.

Ayon sa militar, nanatili si Pasion sa grupo matapos ang mga engkuwentro sa San Jose, Occidental Mindoro noong Marso 24 at 29.

Sinabi ni Maj. Gen. Ramon Zagala, 2ID commander, na ipinakikita ng mga pag-aresto ang lawak ng international network ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front.

“This development shows how elaborate the CPP-NPA-NDF’s international solidarity work has become. Through front organizations, personal networks and deceptive narratives, they attempt to recruit young people beyond the Philippines and draw them into a violent and futile cause,” Zagala said.

Dagdag niya, dapat magsilbing babala ang pagkakadakip kay Pasion sa mga dayuhan at kabataang advocate na maaaring puntiryahin umano ng grupo para sa recruitment at propaganda.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here