MANILA, Philippines – Naghain ng panukalang batas ang Akbayan Party-list upang palakasin ang proteksyon ng mga borrower laban sa predatory online lending practices, sa hangaring pigilan ang lumalaganap na abuso ng mga online lending platform.
Ang House Bill No. 10366 ay inihain nina Akbayan Party-list Reps. Chel Diokno, Perci Cendaña at Dadah Ismula at Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao, na naglalayong wakasan ang malawakang abuso ng mga online lending platform pangunahin na ang reklamo ng harassment, public shaming, paggamit ng personal information, hidden charges at sobrang taas na interes.
Ayon kay Diokno, nagmula ang panukala sa dumaraming reklamo ng mga biktima ng abusadong lending apps na sinasamantala ang mga Pilipinong nahihirapan sa pananalapi.
“We must put a stop to these abusive practice once and for all. No Filipino should have to endure these simply because they fell on hard times,” dagdag pa ni Diokno.
“Hindi pwedeng pera ang inutang, pero dignidad naman ang kabayaran. Your personal debt is not a license for online lenders, loan sharks and their collection agents to harass you, curse you, and demean your dignity,” pahayag naman ni Cendaña.
Sa ilalim ng panukala, magkakaroon ng garantisadong karapatan ang mga borrower sa transparent loan terms, data privacy, patas at may dignidad na debt collection practices, at buong disclosure ng lahat ng gastos sa pautang.
Iaatas din nito sa mga online lender na suriin muna ang kakayahang magbayad ng borrower bago aprubahan ang loan, at kunin ang informed consent ng borrower sa lahat ng mahalagang loan terms at sa pangongolekta at pagproseso ng kanilang personal information.
Upang maiwasan ang mga borrower na mahulog sa debt trap, ilalagay ng panukala ang isang cap sa kabuuang babayaran sa isang online loan,kabilang ang principal, interes, bayarin, penalty, at iba pang singil, na hindi hihigit sa 200 porsiyento ng orihinal na principal na natanggap ng borrower.
Ipinagbabawal din nito ang hidden charges, misleading loan terms, at automatic loan rollovers o extension nang walang naunang, tiyak, at informed consent ng borrower.
Ipinagbabawal din ng panukala ang abusadong collection practices tulad ng harassment, public shaming, pakikipag-ugnayan sa ibang tao maliban sa borrower at walang batayang banta ng criminal prosecution.
Ang mga lalabag ay maaaring harapin ng pagkakakulong ng tatlo hanggang anim na taon at multa na P100,000 hanggang P1 milyon, na may mas mabigat na parusa para sa malalang pananakit at illegal na operator.
Itinatatag din ng panukala ang Victim Compensation Board for Online Lending Abuses (VCBOLA) sa ilalim ng Securities and Exchange Commission (SEC) upang dinggin ang mga reklamo.
Sa pamamagitan ng Victim Compensation Fund, maaaring makakuha ang mga biktima ng refund, actual damages, moral damages, exemplary damages, attorney’s fees, at protection orders.
Pinahihintulutan din ng panukala ang SEC na mag-utos ng pag-alis o pag-block sa mga unlicensed online lending apps. Gail Mendoza