MANILA, Philippines – Nananatiling matatag ang kampanya ng administrasyon laban sa kriminalidad at lahat ng uri ng krimen sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ito ang pahayag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa sinabi ni Vice-President Sara Duterte ma sa Pilipinas ay maaari kang umupa ng gunman sa halagang 5 libong piso para magpakitil ng buhay ng isang indibidwal.
Para kasy Castro, dapat ay nanguna si VP Castro na pigilan ang ganitong mga pahayag at hindi magsilbing promotor pa sa pagkausap sa isang assassin at upahang pumatay sa isang taong kinaiinisan.
Winika ni Castro na kung mayroon man aniyang alam ukol dito ang Vice President ay dapat sanang tumulong ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng anomang impormasyon gaya halimbawa ng datos patungkol dito.
Kaya nga tanong ni Castro ay bakit kaya hindi ito nasawata kung totoo man lalo at matagal na siyang opisyal at namuno din ang kaniyang ama bilang Presidente.
Nauna rito, iginiit ni VP Sara na matindi ang problema ng gun violence sa Pilipinas kaya posible umanong makapag-hire ng isang gunman sa halagang P5,000 lamang upang pumaslang ng isang tao.
Sa kanyang talumpati sa The Hague, Netherlands, binigyang-diin ni VP Sara na hindi maaaring iugnay sa anti-drug campaign ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng mga pagpatay na naitala sa bansa.
Inihalimbawa niya ang sitwasyon ng isang mag-asawa kaugnay ng kanyang punto tungkol sa laganap na gun violence sa bansa.
Ayon kay VP Sara, dahil sa umiiral na sitwasyon ng gun violence sa bansa, hindi aniya maaaring ipagpalagay na lahat ng mga nakalistang biktima at naghain ng kaso sa International Criminal Court (ICC) laban sa kanyang ama ay mga biktima ng giyera kontra ilegal na droga. (KRIS JOSE)