MANILA, Philippines – Namatay ang isang 25-anyos na lalaki matapos umanong barilin ang kanyang sarili habang nagsasanay sa isang firing range sa loob ng Makati Square, Barangay San Isidro, noong Miyerkules, Hulyo 29.
Kinilala ang biktima na si alyas Kianz, na isinugod sa Makati Medical Center ngunit idineklarang dead on arrival bandang 6 p.m. dahil sa tama ng bala sa kanang bahagi ng kanyang dibdib.
Ayon sa pulisya, dumating siya sa Armscor Shooting Range bandang 4:32 p.m., nagparehistro, at naghintay ng humigit-kumulang 20 minuto bago tinulungan ng range officer na si Venancio Magdaraog Jr. sa Bay 1, Row 6.
Matapos umano siyang magpaputok ng ilang beses, itinutok niya ang 9mm na baril sa kanyang dibdib at pinaputok ito.
Natagpuan siya ng mga rumespondeng pulis na nakahandusay nang nakatihaya sa sahig.
Sinubukan siyang i-CPR ng Bureau of Fire Protection medical team na pinamunuan ni SFO1 Lady Diane Layson bandang 5:50 p.m., ngunit hindi na siya tumugon bago dalhin sa ospital.
Narekober ng Scene of the Crime Operatives ang isang 9mm pistol na may magazine na may dalawang natitirang bala.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. RNT/MDS