MANILA, Philippines – Nagbabala ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) laban sa mga pekeng Facebook account at social media page na nagpapanggap na opisyal ng ahensya upang makahingi ng pera sa mga biktima ng online scam.
Ayon sa CICC, ginagamit ng mga scammer ang pangalan, logo, at pagkakakilanlan ng CICC upang kumbinsihin ang mga nabiktima ng online fraud na magbayad kapalit ng umano’y tulong sa pagbawi ng kanilang nawalang pera.
“[T]he CICC never asks for any fee for receiving complaints, assisting victims, or investigating cybercrime cases. Our services are entirely free,” ayon sa ahensya.
“True to our mandate as the country’s cyber defenders, we are always ready to receive complaints and help victims of cybercrime without asking for anything in return,” dagdag pa nito.
Ayon sa CICC, mas naging mapanlinlang na ang mga cybercriminal at ginagamit nila ang mga pekeng account ng mga ahensya ng gobyerno upang makuha ang tiwala ng publiko.
Nagbabala ang ahensya na anumang account na nagpapakilalang CICC at humihingi ng bayad para sa processing fee, legal fee, o anumang kabayaran ay isang scam.
Hinikayat din ng CICC ang publiko: “We encourage everyone to exercise extra caution. Always verify first before engaging with any account claiming to represent the CICC, and report suspicious pages immediately through Hotline 1326 or any of our official communication channels.”
Patuloy ring nakikipagtulungan ang CICC sa Presidential Communications Office, Meta, at mga independent fact-checking organizations upang mapabilis ang pag-uulat at pagpapatanggal ng mga pekeng account at mapanlinlang na online content. RNT/MDS