Home NATIONWIDE PH, Timor-Leste pumirma ng kasunduan sa sports cooperation

PH, Timor-Leste pumirma ng kasunduan sa sports cooperation

1
0

MANILA, Philippines – Pinalalakas ng Pilipinas at Timor-Leste ang ugnayan sa larangan ng sports matapos lumagda sa isang kasunduan para sa mas malawak na kooperasyon sa pagpapaunlad ng palakasan.

Bilang bahagi ng pagtutulungan, inimbitahan ng Philippine Sports Commission (PSC) ang Timor-Leste na lumahok sa Tour of Luzon at sa kauna-unahang Mindanao Youth Games na gaganapin sa Tubod, Lanao del Norte, mula Marso 17 hanggang 21, 2027.

Inihayag ni PSC Chair John Patrick Gregorio ang imbitasyon sa pakikipagpulong kay Timor-Leste Ambassador Marciano Octavio Garcia Da Silva sa Philsports Complex sa Pasig City.

Ayon kay Gregorio, layunin ng Mindanao Youth Games na hindi lamang magbigay ng kompetisyon kundi magsilbi ring daan sa pagtuklas ng talento at pagtataguyod ng kapayapaan at kaunlaran sa pamamagitan ng sports.

Sinabi naman ni Da Silva na ang pakikilahok sa naturang mga torneo ay pagkakataon upang higit pang mapalalim ang pagkakaibigan, pagpapalitan ng kultura at paggalang sa isa’t isa bilang magkapitbahay sa ASEAN.

Bukod sa mga palaro, pinag-aaralan din ng dalawang bansa ang pagtutulungan sa arnis, na pambansang martial art ng Pilipinas, at football, na pinakasikat na isport sa Timor-Leste.

Kabilang sa mga planong programa ang coaching exchanges, technical training at grassroots development upang mapaunlad ang kakayahan ng mga atleta at coaches ng dalawang bansa.

Nakikipag-ugnayan na rin ang PSC sa Department of Foreign Affairs (DFA) para sa pagbuo ng isang Memorandum of Understanding (MOU) on Sports Cooperation sa pagitan ng Pilipinas at Timor-Leste.

Saklaw ng panukalang kasunduan ang community-based sports programs, promosyon ng healthy lifestyle, grassroots sports management, sports governance at athlete development.

Tinalakay rin sa pagpupulong ang pagsusulong ng sports tourism bilang paraan upang mapalakas ang cultural exchange at lokal na ekonomiya sa pamamagitan ng pagho-host ng mga international sporting events.

Naging ika-11 ganap na miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang Timor-Leste noong Oktubre 26, 2025. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here