MANILA, Philippines – Sinuspinde ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Zambales ang paglalayag ng mga sasakyang pandagat dahil sa maalon na karagatan dulot ng Tropical Depression Luis at ng habagat.
Ayon kay Euphraim Jayson Diciano, pinuno ng PCG-Zambales, ipinahinto ang operasyon ng lahat ng barko at bangkang may 35 gross tons (GT) pababa, maliban sa mga naghahanap ng masisilungan.
Sinabi ng PAGASA na maaaring magdulot ang habagat na pinalalakas ng bagyo at ang sirkulasyon nito ng malalakas hanggang gale-force na bugso ng hangin sa malaking bahagi ng Luzon, lalo na sa mga baybaying lugar at matataas na lugar.
Inaasahan din ang katamtamang kondisyon ng dagat sa baybayin ng Zambales, na may taas ng alon na 1.2 hanggang 2.5 metro.
“The riding public, coastal communities, and fisherfolk are strongly advised not to undertake any sea or weather-related activities until conditions return to normal to avoid accidents or loss of life,” paalala ng PCG.
Maaaring ipagpatuloy ang sea travel kapag bumuti na ang panahon at kondisyon ng dagat ayon sa opisyal na pahayag ng PAGASA at alinsunod sa mga alituntunin ng Coast Guard. RNT/MDS