Home HOME BANNER STORY Pagpapiyansa ng mga opisyal na nahaharap sa mga kaso ng korapsyon, ikinabahala...

Pagpapiyansa ng mga opisyal na nahaharap sa mga kaso ng korapsyon, ikinabahala ni Archbishop Villegas

1
0

MANILA, Philippines – Tinawag ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates B. Villegas na “very alarming” ang posibilidad na payagang makapagpiyansa at pansamantalang makalaya ang mga dati at kasalukuyang mataas na opisyal ng gobyerno na nahaharap sa mga kasong may kaugnayan sa korapsyon.

Ang pahayag ay ginawa matapos payagan ng Sandiganbayan Third Division si dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. na makapagpiyansa sa kanyang malversation case kaugnay ng umano’y P92.8-milyong anomalya sa flood control project sa Pandi, Bulacan.

“Sobrang nakakabahala ’yung balita na pwedeng payagang mag-bail at pansamantalang makalaya ang mga dati at kasalukuyang matataas na officials sa gobyerno,” ayon kay Villegas.

“Karamihan kasi sa kanila, kinasuhan dahil sa pag-betray sa tiwala ng publiko at sa pagka-kurakot sa pondo ng bayan—mga pondo na sana nagamit para sa bansa. Ang intindi namin, moral turpitude ang violations na ’to,” dagdag niya.

Sinabi rin ng arsobispo na maraming Pilipino ang natatakot na baka makalusot ang mga makapangyarihang opisyal at makaiwas sa pananagutan.

“Ngayong namimilipit ang buong bansa sa tindi ng perang nawawala sa atin dahil sa mga morally bankrupt na leaders, natatakot kami na itong latest development sa mga kaso nila ay nagpapatunay lang sa worst fears ng publiko: na kapag high and mighty ka, pwede kang makalusot sa mabibigat na krimen at matakasan ang accountability.”

Bagama’t kinilala niyang ang pagkakaloob ng piyansa ay hindi nangangahulugang abswelto na ang akusado, sinabi niyang maraming tao ang nag-uugnay nito sa pananaw na hindi malakas ang ebidensya ng pagkakasala.

“Kaya ang tanong namin: Signal ba ito na sa huli, hahayaan lang din silang mag-walk free ng court?” pagtatanong niya.

Binigyang-diin ni Villegas na dapat managot ang mga nasa posisyon sa kanilang mga ginawa.

“Ang pagpapanagot sa mga nasa posisyon ay demand ng justice, at lesson na rin sa publiko kung ano talaga ang puso ng public service,” aniya. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here