MANILA, Philippines – Nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) na ang mga batang wala pang 15 taong gulang na gumagawa ng vlogs, social media content, o iba pang online content ay kailangang kumuha ng working child permit upang maiwasan ang legal na problema.
Ayon kay DOLE Secretary Francis Tolentino, saklaw din nito ang mga batang lalahok sa telebisyon, teatro, patalastas, streaming platforms, podcasts, educational content, at iba pang digital media.
“Under the law, children below 15 years old are generally prohibited from working,” sabi ni Tolentino, batay sa Republic Act No. 9231 o batas na nagpoprotekta sa mga batang manggagawa.
Nakasaad sa Labor Advisory No. 12, Series of 2026 na ang mga batang wala pang 15 taong gulang na lumalahok sa paggawa ng content para sa online posting ay maaaring kailanganing kumuha ng working child permit kung saklaw sila ng umiiral na mga alituntunin ng DOLE.
Inaatasan din ng DOLE ang mga magulang o legal guardian na tiyaking sumusunod ang mga batang content creator sa mga kinakailangan ng batas.
Ayon sa advisory, dapat ding sundin ng mga employer at iba pang responsable sa produksyon ang mga proteksiyong itinakda sa RA 9231, kabilang ang limitasyon sa oras ng trabaho, tamang paggamit ng kita ng bata, pagbabawal sa mapanganib na child labor, at pagtiyak na hindi maaapektuhan ang kanilang edukasyon, kalusugan, at kapakanan.
“The advisory reinforces the continuing efforts to strengthen the protection and welfare of children by ensuring that those who participate in media and online content do so under conditions that safeguard their rights, education, health, and overall well-being,” ayon sa DOLE. RNT/MDS