MANILA, Philippines – Sinabi ng Malakanyang na ibabatay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang anumang magiging aksyon sa ebidensiya kasabay ng pagpayag na magsagawa ng karampatang imbestigasyon sa reklamong inihain laban kay Health Secretary Jose “Brix” Pujalte Jr. kaugnay sa di umano’y gambling activities.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na naniniwala si Pangulong Marcos na ang alegasyon laban sa mga opisyal ng gobyerno ay dapat na masusing iniiimbestigahan bago pa gumawa ng anumang desisyon.
“Kung may ganito pong mga isyu ay dapat lang po talagang lumabas, kailangan pong maimbestigahan at kung anuman po ang kalalabasan nito ay hahayaan po natin ang Pangulo na magdesisyon patungkol diyan,” ang sinabi ni Castro.
At nang tanungin kung kinokonsidera ng Malakanyang na ilagay si Pujalte sa ilalim ng preventive suspension hban iniimbestigahan, sinabi ni Castro na ang hanggang ngayo ay wala pang ipinalalabas na direktiba ang Pangulo.
“Sa ngayon, hindi pa po naipapaabot ng Pangulo kung mag-iisyu ng ganyan kay Secretary Pujalte, pero tingnan po natin sa mga susunod na mga oras o araw at ibibigay ko po sa inyo ang pinaka-update,” ang winika pa ni Castro.
Gayunman, sinabi ni Castro na patuloy at nananatili pa rin ang kumpiyansa ng Pangulo kay Pujalte sa kabila ng alegasyon laban dito.
“Sa ngayon po na wala pa pong nailalabas na anumang concrete evidence, maliban lamang po talaga kung ito talaga ay makatotohanan na, doon lamang po kikilos ang ating Pangulo,” ang sinabi ni Castro.
Nauna rito, itinanggi ni Department of Health (DOH) Secretary Jose “Brix” Pujalte Jr. ang alegasyon na siya umano ay tumatambay sa mga casino para magsugal.
Ayon sa DOH, mariing itinanggi ni Pujalte ang kumakalat na liham na nag-aakusa sa kanya ng pagsusugal sa casino at sinasabing naiulat ang reklamo sa Presidential Complaint Center sa Malacañang.
Nilinaw ni Pujalte na noong Hulyo 20, dumalo lamang siya sa isang opisyal na pagpupulong kasama ang mga opisyal mula Masbate at Sorsogon sa isang hotel.
“Paglilinaw ni Sec. Pujalte Jr., noong Hulyo 20, naimbitahan siya para dumalo sa isang opisyal na pagpupulong kasama ang mga opisyal ng Masbate at Sorsogon sa isang hotel.”
Ayon sa DOH, ang tanging napag-usapan sa naturang pagpupulong ay ang pagbibigay ng tulong sa mga pampublikong ospital sa dalawang lalawigan.
“Tanging ang pagbibigay ng tulong sa mga pampublikong ospital sa rehiyon ang pinag-usapan sa naturang pagtitipon,” pahayag ng DOH.
Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Pujalte bilang bagong kalihim ng DOH noong Hulyo 13 matapos magbitiw sa puwesto si dating Health Secretary Dr. Teodoro Herbosa. (KRIS JOSE)