MANILA, Philippines – Tinintahan ni Pangulong Marcos ang isang kasunduan na naglalayong makipagtulungan upang magtanim ng 10 milyong puno ng niyog sa Mindanao pagsapit ng taong 2030.
Inaasahang makikinabang sa proyektong ito ang 100,000 maliliit na magsasaka sa pamamagitan ng karagdagang kita at mas maayos na access sa de-kalidad na punla ng niyog, pagsasanay sa pagsasaka, at mga pamilihan.
Nilagdaan ang memorandum of understanding (MOU) ng Metro Pacific Agro Ventures, Vita Coco Community Foundation, Century Pacific Food Inc., at HOPE.
Makikipagtulungan ang mga organisasyong ito sa mga magsasaka upang maisakatuparan ang nasabing proyekto.
Sa ilalim ng kasunduan, magbibigay ang HOPE ng de-kalidad na mga punla ng niyog, pagsasanay tungkol sa napapanatiling pamamaraan ng pagsasaka, at tulong upang maiugnay ang mga magsasaka sa mga mamimili.
Titiyakin din na ang bawat punong maitatanim ay maitatala at masusubaybayan ng publiko sa pamamagitan ng website ng organisasyon.
Sa kanyang talumpati sa seremonya ng paglagda ng kasunduan sa Palasyo ng Malakanyang, sinabi ni Pangulong Marcos na makatutulong ang inisyatibang ito upang matugunan ang mga hamong kinakaharap ng mga magsasakang patuloy na umaasa sa mga matatandang puno ng niyog ngunit walang sapat na kakayahang pinansyal upang palitan ang mga ito.
“Replacing these aging plants, however, is something many farmers cannot afford to do on their own. A new seedling takes years to bear fruit, their families need to earn in the meantime,” ayon sa Pangulo.
Sinabi pa ng Chief Executive na inaasahang kikita ng karagdagang ₱30,000 hanggang ₱65,000 kada taon ang mga kalahok na magsasaka kapag nagsimula nang mamunga ang mga bagong tanim na puno ng niyog.
“Kapag namunga na ang mga puno, inaasahang kikita ang bawat magsasaka ng karagdagang P30,000 hanggang P65,000 bawat taon, sa loob ng humigit-kumulang 50 taon,” aniya pa rin.
Ayon kay Pangulong Marcos, makatutulong ang karagdagang kita upang matustusan ang pangangailangan sa pagkain ng mga pamilya ng mga magsasaka, masuportahan ang pag-aaral ng kanilang mga anak, at mabigyan sila ng mas matatag na kalagayang pinansyal.
Bukod sa pagpapataas ng kita ng mga magsasaka, inaasahang mapapataas din ng nasabing pakikipagtulungan ang produksyon ng niyog sa bansa ng humigit-kumulang 400 milyong bunga kada taon kapag nagsimula nang mamunga ang mga bagong tanim na puno.
Sinabi ni Pangulong Marcos na ang karagdagang suplay ng niyog ay magbibigay ng mas maraming hilaw na materyales sa mga negosyong nagpoproseso ng niyog, lilikha ng mga oportunidad sa trabaho sa mga komunidad sa kanayunan, at magbubukas ng mas maraming pagkakataon upang mapalawak ang pag-export ng mga produktong niyog ng Pilipinas.
Inaasahan ding makalilikha ang nasabing inisyatiba ng mga oportunidad pangkabuhayan para sa mga lokal na punlaan kahit hindi pa namumunga ang mga bagong tanim na puno ng niyog, dahil sa pagtaas ng pangangailangan sa mga punla nito.
Pinili ang Mindanao bilang lugar na pagdarausan ng nasabing proyekto dahil dito nagmumula ang mahigit 60 porsiyento ng kabuuang produksyon ng niyog sa bansa.
Bahagi ang pakikipagtulungan para sa pagtatanim ng 10 milyong puno ng niyog sa mas malawak na pagsisikap ng administrasyon na muling pasiglahin ang industriya ng niyog sa bansa sa pamamagitan ng malawakang pagtatanim ng mga bagong puno.
Ayon kay Pangulong Marcos, nakapagtanim na ang pamahalaan ng halos 29 milyong puno ng niyog hanggang Oktubre 2026 sa ilalim ng programa nitong muling pagtatanim, bilang bahagi ng pagsisikap na maabot ang target na 100 milyong puno.
Inamin din niya na mangangailangan ng malaking pagsisikap at pakikilahok mula sa pamahalaan at pribadong sektor upang makamit ang layuning ito. Dahil dito, hinikayat niya ang mas maraming kumpanya na suportahan ang nasabing inisyatiba.
“To the rest of the private sector, there is much room for you here. I hope that more companies take part in this endeavor,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
Samantala, nanawagan naman ang Pangulo sa Department of Agriculture (DA) at Philippine Coconut Authority (PCA) na tiyaking maipagkakaloob sa mga magsasaka sa tamang oras ang mga de-kalidad na punla ng niyog at teknikal na tulong na kanilang kinakailangan.
Hinikayat din niya ang mga lokal na pamahalaan at iba pang kinauukulang ahensya na tumulong sa mga komunidad na kalahok sa proyekto upang mapangalagaan ang mga bagong tanim na puno ng niyog. (KRIS JOSE)