MANILA, Philippines – Muling iginiit ng Pilipinas ang pangangailangan ng mas matibay na proteksyon para sa mga manggagawa laban sa mga panganib na dulot ng climate change sa mga lugar ng trabaho.
Inihayag ito ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa ilalim ni Secretary Francis N. Tolentino sa ika-358 sesyon ng International Labour Organization (ILO) Governing Body na ginanap noong Nobyembre 9 hanggang 19, 2026 sa Geneva, Switzerland.
Kinatawan ni DOLE Undersecretary Carmela I. Torres ang Pilipinas at binigyang-diin ang tumitinding banta ng mga bagyo, baha, matinding init at pabago-bagong panahon, partikular sa mga manggagawang may bulnerableng trabaho.
“As a country frequently affected by typhoons, flooding, and extreme heat, including conditions associated with El Niño, we recognize the growing risks to workers across all sectors, particularly those in vulnerable employment.”
Binanggit din ng Pilipinas ang mga umiiral na proteksyon para sa mga manggagawa, kabilang ang Republic Act No. 11058, DOLE Department Order No. 252, Series of 2025, at mga labor advisory para sa occupational safety and health (OSH) laban sa mga panganib na may kaugnayan sa climate change.
Ipinrisinta rin ang dalawang inisyatiba ng DOLE sa ilalim ng 2026 ASEAN Chairship ng Pilipinas na nabanggit sa 49th ASEAN Summit: ASEAN Guidelines on OSH in the Informal Sector; at ASEAN Guidelines on Strengthening Labour Inspection in the Fishing Sector
Sinuportahan din ng Pilipinas ang panukala ng ILO na palakasin ang mga sistema ng labor inspection, bumuo ng mga praktikal na kagamitan at higit pang paunlarin ang kakayahan ng pamahalaan, mga employer at manggagawa.
Muling tiniyak ng DOLE ang suporta nito sa patuloy na teknikal na tulong at internasyonal na kooperasyon ng ILO upang magkaroon ng mas ligtas, malusog at matatag na mga lugar ng trabaho sa gitna ng lumalalang epekto ng climate change. Jocelyn Tabangcura-Domenden