MANILA, Philippines – Nagbabala si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa mga Manilenyo kaugnay ng pagtaas ng kaso ng mga sakit na karaniwang lumalaganap tuwing tag-ulan o tinatawag na “WILD” diseases na kinabibilangan ng water-borne diseases, influenza, leptospirosis, at dengue.
Sa kanyang “Talk to the People” Facebook Live nitong Lunes, sinabi ni Domagoso na batay sa ulat ng Manila Health Department (MHD) sa pangunguna ni OIC-City Health Officer Dr. Grace Padilla, nakitaan ng pagtaas ng mga kaso ng influenza-like illness sa lungsod.
Ayon sa datos ng MHD hanggang Agosto 3, umabot na sa 845 ang naitalang kaso ng influenza-like illness mula Enero 1, habang may 2,105 kaso ng dengue, 111 kaso ng leptospirosis, at 77 kumpirmadong kaso ng COVID-19.
Ani Domagoso, nananatiling nasa manageable level ang mga kaso ng COVID-19 ngunit hinikayat pa rin niya ang publiko na maging maingat upang hindi na lumala ang sitwasyon.
Pinayuhan din ng alkalde ang mga residente na ugaliing maghugas ng kamay, umiwas sa paglusong sa baha, at pansamantalang humiwalay sa pamilya kung nakararanas ng sintomas ng trangkaso upang maiwasan ang hawahan.
Ipinaalala rin niya na ang mga water-borne disease tulad ng typhoid, cholera at acute gastroenteritis ay maaaring makuha sa kontaminadong tubig, habang ang leptospirosis ay naihahawa sa pamamagitan ng ihi ng daga o hayop na humahalo sa tubig-baha.
Sinabi pa ni Domagoso na may sapat na suplay ng Doxycycline sa Manila City Hall, mga ospital at health centers na maaaring gamitin bilang proteksyon ng mga taong nalalantad sa baha.
Bagama’t hindi obligado, hinimok din ng alkalde ang publiko na magsuot ng face mask lalo na sa mga kulob o enclosed na lugar upang mabawasan ang panganib ng pagkakahawa sa sakit.
“Ayoko naman kayong nagkakasakit, lalo na ang mga nagtatrabaho na ‘no work, no pay,’ dahil malaking epekto ito sa kabuhayan ng bawat pamilya,” ani Domagoso. JAY REYES