MAKATI CITY, Philippines – Umaasa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na higit pang mapalalakas ng muling pagbubukas ng Mandarin Oriental Makati ang industriya ng turismo at makalilikha ng mas maraming oportunidad pang-ekonomiya sa bansa.
Pinangunahan ni Pangulong Marcos, kasama ang First Lady na si Liza Araneta-Marcos, ang seremonyal na paggupit ng laso para sa pormal na pagbubukas ng marangyang hotel sa Ayala Triangle nitong Huwebes.
Ayon sa Pangulo, pinagsasama ng hotel ang kilalang tradisyon ng Mandarin Oriental sa pagbibigay ng de-kalidad na serbisyo at ang husay ng mga Pilipino sa paggawa, sining at mabuting pakikitungo sa mga bisita.
“Sa pamamagitan ng mga natatanging elementong Pilipino, layunin ng hotel na maiparanas sa mga lokal at dayuhang bisita ang kakaibang karanasan sa kung ano ang maiaalok ng Pilipinas,” ani Marcos.
Sinabi rin niyang nagpapakita ng tiwala sa bansa at sa kinabukasan ng turismo ang muling pagbubukas ng hotel.
Ayon sa Pangulo, magbubukas ng mga oportunidad ang desisyon ng Ayala Land Hospitality na muling patakbuhin ang hotel na hindi lamang makikinabang ang mga lugar na malapit dito.
Muli ring tiniyak ni Marcos ang pangako ng kanyang administrasyon na palakasin ang sektor ng turismo at hospitality bilang pangunahing tagapagtaguyod ng paglago ng ekonomiya.
Kabilang sa mga hakbang ng pamahalaan ang pagpapabuti ng mga pasilidad sa transportasyon at imprastraktura, pagpapalakas ng tiwala ng mga mamumuhunan at pakikipagtulungan sa mga katuwang sa industriya upang mapataas ang kalidad ng mga serbisyong panturismo.
“Kinikilala sa buong mundo ang kahusayan ng serbisyo ng mga Pilipino. Layunin nating mas marami pang bisita ang personal na makaranas nito rito mismo sa Pilipinas,” pahayag ng Pangulo.
Binigyang-diin din niya ang patuloy na pagsasapanahon ng National Accommodation Standards upang matulungan ang mga establisimyento ng turismo na makasabay sa nagbabagong pangangailangan ng industriya.
Binanggit din ni Marcos ang kampanyang “Discover More to Love” ng Department of Tourism (DOT), na naglalayong hikayatin ang mga Pilipino na maglakbay sa iba’t ibang panig ng bansa sa buong taon.
Sa ilalim naman ng Filipinization Labelling Program, hinihikayat ang mga hotel at iba pang establisimyento ng akomodasyon na itampok ang kulturang Pilipino at pagkakakilanlan ng bansa sa kanilang mga serbisyo.
“Nawa’y maging higit pa sa isang destinasyon ang hotel na ito, gaya ng nakilala na rito sa loob ng maraming taon. Nawa’y magsilbi itong daan upang makilala ang ating kultura, pagmulan ng mga oportunidad para sa ating mga kababayan, at isa pang dahilan upang matuklasan ng buong mundo ang pinakamahusay na karanasang Pilipino,” aniya.
May 275 kuwarto at suite ang Mandarin Oriental Makati, kasama ang limang kainan at bar, mga lugar para sa mga pagtitipon at kaganapan, at spa.
Nagbabalik ang tatak na Mandarin Oriental sa Makati makalipas ang 12 taon mula nang magsara ang orihinal na Mandarin Oriental Manila noong 2014. Bahagi ito ng proyektong Ayala Triangle Gardens ng Ayala Land Hospitality.
Tinatayang 7.7 milyon ang nagtrabaho sa industriya ng turismo noong 2025. Kris Jose