MANILA, Philippines – Nakumpiska ng Police Regional Office 6 (PRO6) ang halos P4.74 milyong halaga ng hinihinalang shabu, habang 30 indibidwal ang naaresto sa isinagawang 24-oras na pinaigting na kampanya kontra krimen sa Western Visayas.
Batay sa PRO6 Regional Operational Accomplishment Dashboard, mula alas-6 ng umaga noong Nobyembre 24 hanggang alas-5:59 ng umaga noong Nobyembre 25, nagsagawa ang mga pulis ng anim na operasyon kontra ilegal na droga.
Pitong hinihinalang sangkot sa droga ang naaresto at 696.89 gramo ng hinihinalang shabu, na nagkakahalaga ng P4,738,852, ang nakumpiska.
Sa 11 operasyon naman laban sa mga wanted person, walong indibidwal ang naaresto, kabilang ang dalawang most wanted at anim na iba pang wanted person.
Samantala, 30 loose firearms ang kusang isinuko sa mga pulis, habang isa pang baril ang nakumpiska sa isang operasyon na nagresulta rin sa pagkakaaresto ng isang suspek.
Nanguna ang Iloilo sa pinakamaraming isinukong baril na umabot sa 17, sinundan ng Antique na may pito, Aklan na may apat, at tig-isa sa Capiz at Guimaras.
May isa pang baril na pansamantalang ipinagkatiwala sa mga awtoridad matapos ang house visitation sa Iloilo.
Pinuri ni PRO6 Director Brig. Gen. Randulf TuaƱo ang mga operatiba sa kanilang pagsisikap na labanan ang kriminalidad at binigyang-diin ang kahalagahan ng pakikipagtulungan ng komunidad sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.
Hinimok din niya ang publiko na patuloy na makipagtulungan sa kampanya sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon at kusang pagsuko ng mga hindi lisensiyadong baril upang magkaroon ng mas ligtas at mapayapang Western Visayas. RNT/MDS