MANILA, Philippines – Iginiit ng defense team ni Vice President Sara Duterte na “one side of the story” lamang ang ipinakitang findings ng Commission on Audit sa Senate impeachment trial at sasagutin nila ang mga audit observation sa cross-examination.
Sinabi ni defense spokesperson at lawyer Michael Poa na ang unang COA witness ng prosekusyon ay nagpatunay lamang sa mga nauna nang dokumentadong audit findings at hindi pa nailalahad ang kabuuang pangyayari.
“Sabihin na lang natin na kaya nating suriin yung mga naging findings ng COA para maipakita lang sa ating mga kababayan kung ano yung buong storya (Let’s just say that we are able to review the findings of the COA so we can show our fellow citizens the full story),” ani Poa.
“Because it is just one side of the story. But again, factual lang naman ang nangyari kanina, di ba (what came out earlier was factual, wasn’t it?),” dagdag niya.
Ayon kay Poa, mananatili rin sa mga katotohanan at sa saklaw ng kaalaman ng testigo ang depensa sa gagawin nitong cross-examination.
“Lumalabas lang naman ang COA findings, so sa ating pagsusuri as much as possible syempre factual lang din po tayo. We will stick to what COA knows. We cannot naman kasi add on to the limitation ng witness kung ano lang yung participation niya doon sa testimonya na binibigay po niya,” aniya.
Ilang ulit na tumanggi si Poa na talakayin ang nilalaman ng ebidensya ng prosekusyon dahil maaga pa umano para pag-usapan ang merito ng impeachment case.
Sinabi rin niyang walang bago sa pagdinig para sa depensa dahil dati nang nakadokumento ang mga audit findings.
“Sa aming pananaw, ‘yan naman ang lumabas sa COA findings—pina-identify lang naman sa COA kung ano yung kanilang findings,” ani Poa.
“So, kumbaga, nothing that we haven’t read before. I think ang hindi lang nasasagot ng COA pa sa ngayon is ano nangyari after ng mga findings nila, which I’m sure we’ll get to in the next few days,” dagdag niya.
Ayon kay Poa, tatalakayin ng depensa ang mga usapin sa cross-examination at, kung kinakailangan, sa paghaharap nito ng sariling ebidensya.
“Those are matters that we will discuss in the coming days. I cannot answer them yet because we would already be delving into the merits,” sinabi niya.
Inaasahang haharap pa ang isa pang COA witness habang nagpapatuloy ang presentasyon ng ebidensya ng prosekusyon. Hinikayat ni Poa ang publiko na huwag munang bumuo ng konklusyon batay lamang sa testimonya ng unang auditor.
“Let’s just wait na matapos itong witness na ito and again, hindi lang ito ang witness, meron pang ibang witnesses to come,” aniya.
Iginiit ng depensa na ayaw nitong pangunahan ang mga susunod na ebidensya ng prosekusyon o ilantad ang legal strategy nito bago matalakay ang mga usapin sa Senate impeachment court. RNT