MANILA, Philippines – Sinuspinde ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang lahat ng face-to-face classes mula Kindergarten hanggang Senior High School sa mga pampubliko at pribadong paaralan ngayong araw dahil sa inaasahang paglala ng masamang panahon dulot ng habagat.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, ipinatupad ang suspensyon batay sa rekomendasyon ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department (MCDRRMD) matapos ang pagtataya na mas lalakas pa ang pag-ulan pagsapit ng hapon.
Ipinaliwanag ng MCDRRMD na ginawa ang hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at mga magulang laban sa posibleng pagbaha at iba pang panganib na dulot ng tuloy-tuloy na pag-ulan.
Sa halip na face-to-face classes, inatasan ang mga paaralan na pansamantalang gumamit ng Alternative Delivery Mode (ADM) upang hindi maputol ang pag-aaral ng mga estudyante.
Kasabay nito, nanawagan ang lokal na pamahalaan sa mga Manilenyo na manatiling alerto, iwasang lumabas ng bahay kung hindi naman kinakailangan, at patuloy na subaybayan ang mga opisyal na abiso ng lungsod kaugnay ng lagay ng panahon. JAY Reyes