MANILA, Philippines – Nagkapalitan ng putok sa isinagawang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 3 sa parking lot ng SM Molino sa Brgy. Molino IV, Bacoor City, Cavite.
Ayon sa nakalap na report, bandang alas-5:00 ng hapon nang makatanggap ng report ang Bacoor Component City Police Station kaugnay sa insidente ng pamamaril sa nasabing lugar.
Mabilis namang rumesponde ang Mobile Patrol Unit, intelligence operatives, SWAT at mga imbestigador upang alamin ang nasabing insidente.
Batay sa imbestigasyon, lumabas na nagsasagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng PDEA Region 3 nang tangkain umanong tumakas ng mga target na suspek na sakay ng isang pulang Toyota Innova at isang puting Toyota Fortuner.
Habang papalabas ng mall ang dalawang sasakyan, nagkaroon ng armadong komprontasyon na nauwi sa pagpapalitan ng putok.
Ayon sa ulat, nagpaputok ang mga operatiba ng PDEA upang targetin ang mga gulong ng mga sasakyan sa layuning mapahinto ang mga ito.
Gayunman, nagawa pa ring makatakas ng mga suspek patungong Daang Hari.
Makalipas ang insidente, natagpuan ng mga operatiba ang abandonadong pulang Toyota Innova na may plakang CBJ 2329 sa kahabaan ng Cerritos Avenue, Brgy. Molino IV, Bacoor City, subalit wala na ang mga suspek.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA Region 3 ang nasabing sasakyan habang patuloy ang imbestigasyon para sa pagkakakilanlan ng mga suspek. (Margie Bautista)