BULACAN — Aabot sa P2 milyon halaga ng umano’y counterfeit food enhancer o pampalasa ang nasamsam sa raid ng mga awtoridad sa lungsod ng Malolos.
Sa ulat, ikinasa ang operasyon ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-National Capital Region sa isang warehouse sa nasabing lungsod nitong Agosto 3.
Ayon sa ulat, nag-ugat ang operasyon matapos magreklamo ang legal na kinatawan ng may-ari dahil sa napaulat na may mga fake seasoning granules na ibinebenta sa mga palengke.
Nabatid na nagsagawa ng surveillance at test-buy ang mga tauhan ng NBI-NCR. Ipinasuri nila sa mga technician at chemist ang mga ito at nakumpirmang counterfeit ang mga produkto.
Dahil dito, agad na kumuha ng search warrant ang mga awtoridad at sinalakay ang nasabing warehouse, kung saan nasamsam ang 22,860 bundles o 381 boxes ng hinihinalang fake Magic Sarap products na nakatakdang idaan sa laboratory examination.
Sinasabing hindi dumaan sa pagsusuri ng FDA ang mga produkto kaya hindi alam kung anong kemikal ang ginamit sa mga ito na maaaring magdulot ng sakit o masamang epekto sa kalusugan.
Pinaalalahanan ng mga awtoridad ang mga mamimili na maging maingat sa pagbili, lalo na ng mga food product na ibinebenta nang mura sa mga palengke at online.
Inihahanda ang kaukulang kaso laban sa may-ari ng establisimyento. (Dick Mirasol III)