MANILA, Philippines – Syut sa hoyo ang 50-anyos na mister na wanted sa kasong panghahalay sa menor de edad matapos makorner ng pulisya sa manhunt operation sa Valenzuela City.
Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, ang akusado ay residente ng Brgy. Santa Lucia, Quezon City, at nakatala rin bilang No. 6 sa Top Ten Most Wanted Persons ng NPD.
Nang makatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento na namataan ang presensya ng akusado sa Valenzuela, agad na ikinasa ng mga ito ang operasyon hanggang sa masukol siya sa Brgy. Lawang Bato.
Matagumpay na naisilbi ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section ng Valenzuela Police sa akusado ang arrest warrant na inisyu ng Valenzuela Family Court, Branch 16, para sa Qualified Sexual Assault (2 counts) at Statutory Acts of Lasciviousness in relation to RA 7610 (3 counts).
May kabuuang P940,000 ang inirekomendang piyansa ng hukuman para sa pansamantalang paglaya ng akusado. (Merly Duero)