Home LIFESTYLE HEALTH Dengue outbreak idineklara sa Zamboanga City; 12 patay

Dengue outbreak idineklara sa Zamboanga City; 12 patay

3
0

MANILA, Philippines – Nagdeklara si Zamboanga City Mayor Khymer Olaso ng dengue outbreak nitong Martes, Agosto 4, matapos makapagtala ang lungsod ng 1,241 kaso at 12 nasawi sa 39 barangay.

Mas mataas ito nang 500 porsiyento kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon at itinuturing na pinakamalalang dengue outbreak sa lungsod mula noong 2022.

Batay sa tala ng City Health Office, sinabi ni Olaso na pinakamalalaking kumpol ng kaso mula Hunyo 25 hanggang Hulyo 27 ang naitala sa mga barangay ng Calarian, Sta. Maria, Talon-Talon, Ayala, at Putik.

Ayon kay City Health Officer Dr. Dulce Miravite, lumampas nang hanggang 12 beses sa safety limit ang entomological thresholds, dahilan upang maging mas mabilis ang hawaan sa mga urban community.

Inaprubahan ng City Disaster Risk Reduction and Management Council noong Lunes, Agosto 3, ang resolusyong nagrerekomenda ng pagdedeklara ng outbreak.

Sinabi ni City Health Office Epidemiology Unit head Dr. Ivy Rosette Iturralde na umabot na sa epidemic level ang dengue transmission matapos ang limang sunod na linggo ng pagtaas ng mga kaso at pagbuo ng mga cluster sa 39 barangay.

Inatasan ni Olaso ang lahat ng 98 barangay na paigtingin ang paglilinis at sanitation drive upang mapigilan ang pagkalat ng sakit.

Muling ipinaalala ng mga health official ang 5-S strategy laban sa dengue: search and destroy sa mga pinamumugaran ng lamok; self-protection gamit ang repellents at mosquito nets; seek early consultation kapag may sintomas; support fogging o spraying sa mga apektadong lugar; at sustain hydration ng mga pasyente.

Kabilang sa karaniwang sintomas ng dengue ang mataas na lagnat, matinding pananakit ng ulo, kalamnan at kasukasuan, at mga pantal sa katawan. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here