Home NATIONWIDE Bonoan tetestigo vs Revilla sa flood project case

Bonoan tetestigo vs Revilla sa flood project case

3
0

MANILA, Philippines – Tetestigo si dating Department of Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan laban kay Sen. Bong Revilla sa Sandiganbayan Third Division sa Agosto 12 kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control project.

Pinagbigyan ni Associate Justice Ronald Moreno ang kahilingan ng prosekusyon na maglabas ng subpoena ad testificandum upang obligahing humarap at tumestigo si Bonoan, kasunod ng mosyon ni Ombudsman Deputy Special Prosecutor Omar Sagadal.

Inihain ang kahilingan habang tumitestigo si state witness at dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo sa paglilitis sa kasong malversation of public funds laban kay Revilla.

Inaakusahan si Revilla na humingi umano ng 25-porsiyentong kickback mula sa sinasabing P92.8-milyong ghost project sa Pandi, Bulacan. Paulit-ulit niyang itinanggi ang paratang.

Pansamantalang nakalaya ang senador noong Biyernes matapos maglagak ng P1-milyong piyansa.

Sa 107-pahinang resolusyong isinulat ni Associate Justice Fritz Bryn Anthony Delos Santos, dalawa sa tatlong mahistrado ang pumayag na makapagpiyansa si Revilla matapos makitang mula umano sa kontribusyon o advance payment ng mga pribadong contractor ang sinasabing kickback.

Ayon sa korte, ang perang umano’y ibinigay kay Revilla ay “were not public in character,” habang ang malversation sa ilalim ng Article 217 ng Revised Penal Code ay tumutukoy lamang sa maling paggamit ng “public” o pondo at ari-arian ng pamahalaan.

Sa pagsagot sa clarificatory questions ni Sagadal, muling iginiit ni Bernardo na nagmula sa advance payments ng mga pribadong contractor ang umano’y 25-porsiyentong kickback.

“How will contractors recoup this [advance payment]?” tanong ni Sagadal.

Sumagot si Bernardo na “he or she (the private contractors) will recover the advance payment” mula sa pamahalaan matapos makumpleto ang isang proyekto ng DPWH.

Sa nauna niyang testimonya sa bail hearing ni Revilla, sinabi ni Bernardo na nakakuha umano ang senador ng P1.5 bilyong halaga ng project allocations matapos itong hilingin kay Bonoan. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here