MANILA, Philippines – Inaresto ng Criminal Investigation and Detection Group ang 1,124 suspek at nasamsam ang P505.9 milyong halaga ng ebidensya sa 928 law enforcement operations sa buong bansa noong Hulyo.
Sinabi nitong Martes, Agosto 4, ni CIDG chief Maj. Gen. Robert Morico II na narekober din sa mga operasyon ang 132 loose firearms at 24 eksplosibo.
Sa kabuuang bilang ng mga inaresto, 638 ang wanted persons, kabilang ang isang national most wanted person, 87 regional most wanted persons, 124 provincial most wanted persons, at 89 city o municipal most wanted persons.
Naaresto rin ng mga awtoridad ang siyam na umano’y miyembro ng “communist terrorist group,” bukod sa iba pang mga suspek.
Nagpatupad ang CIDG ng 41 search warrants at nagsagawa ng 43 buy-bust operations sa loob ng isang buwan.
Ang P505.9 milyong halaga ng ebidensyang nasamsam sa ilalim ng Oplan OLEA o Other Law Enforcement Activities ay mula sa mga operasyon laban sa ilegal, pekeng, trademark-infringing, at substandard na produkto, pagnanakaw ng produktong petrolyo, illegal logging, illegal gambling, at illegal mining.
Iginiit ni Morico na hindi lamang pag-aresto at pagkumpiska ang pokus ng CIDG, kundi pati ang masusing imbestigasyon at case buildup upang matiyak ang pagsasampa ng matibay na mga kaso.
“The CIDG’s focus goes beyond making arrests, accounting unlicensed firearms, and confiscating illicit items,” ani Morico. “The Unit is dedicated to conducting circumspect detection, circumspect investigation, and case buildup to ensure the filing of airtight complaints that can stand a leg in court.” RNT