MANILA, Philippines – Isa sa tatlong katutubo ang nasawi at dalawa ang malubhang nasugatan matapos na aksidenteng makuryente ang mga ito sa kanilang ginagawang poso, kahapon sa Mabini St. Barangay Daungan, Mauban, Quezon.
Kinilala ang biktimang nasawi na dead on arrival sa Mauban Health Office na si Alyas Eduardo, 40, trabahador, naninirahan sa Barangay Baao ng nabanggit na probinsya.
Samantalang pansamantalang ginagamot sa Mauban District Hospital ang biktimang sina alyas Nestor 61, trabahador, nakatira sa Barangay Mabato at Alyas Ronald , 26, tricycle driver, ng Barangay Daungan, pawang lalawigan ng Quezon.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng Mauban Municipal Police Station, dakong alas- 9:15 kahapon ng umaga habang ang tatlong biktima na magkasamang naghuhukay sa kanilang itatayong poso kung saan ang nasawing biktima ay nasa itaas ng bubong ng bahay.
Napag-alaman na kanilang ibinabaon patayo sa hinukay na balon ang mahabang tubo na bakal.
Dito aksidente umanong tinamaan ang 336 pair aluminum live wire na pag-aari ng Meralco na naging sanhi ng pagkakuryente ng tatlong biktima.
Kabilang ang nasawi na nahulog mula sa itaas ng bubong ng bahay samantalang ang dalawang sugatan ay nagawang magpagulong-gulong palayo. Ellen Apostol