MANILA, Philippines – Ang pagkabigong mag-liquidate ng confidential funds sa kabila ng pormal na demand ay maaaring maging prima facie evidence na ginamit ng mga accountable officers ang nawawalang pondo para sa personal na benepisyo, ayon kay private prosecutor Atty. Benjamin Tolosa Jr.
Ang pahayag ay ginawa ni Tolosa sa isang press conference matapos itong tanungin na kung ang mga nakitang discrepancy sa mga isinumiteng dokumento ay maaari nang magpatunay ng misuse of public funds.
Nilinaw ni Tolosa na ang kanyang pahayag ay base din mismo sa tesimonya ni COA auditor Roderick Wamil.
“If there’s a failure to liquidate despite demand, then that is already prima facie evidence that the persons who are accountable for these funds misused it or, in fact used it for his or her personal benefit,” nauna nang testimonya ni Wamil.
Sa naunang testimonya nito, binanggit ni Wamil ang Item 8.3 ng Joint Circular No. 2015-01 na nagsasaad na ang pagkabigo ng isang accountable officer na mag-liquidate ng public funds o property matapos hingin ito ay prima facie evidence na ang nawawalang pondo o ari-arian ay ginamit para sa personal na benepisyo.
Ipinaliwanag ni Tolosa na sa Audit Observation Memorandum (AOM) pa lamang ay nagkakaroon na ng demand to liquidate.
Naunang tumestigo si Wamil hinggil sa mga audit observation na kinapapalooban ng kulang na proof of payment, mga rewards na walang sapat na suporta, mga pagbili na suportado lamang ng acknowledgment receipts, at mga kategorya ng paggasta na labas sa pinapayagang confidential expenses sa ilalim ng circular.
“Kapag nasa Notice of Suspension, hindi pa rin nakapag-liquidate nang tama, nag-a-arise ‘yang prima facie evidence,” paliwanag pa ni Tolosa.
Samantala, sinabi ni Tolosa na kahit ibalik ni VP Duterte ang mga halagang dinis-allow ng COA ay hindi matatanggal ang Article 1.
Ipinaliwanag ni Tolosa ang pagkakaiba ng proseso ng COA sa pagbawi ng mga hindi wastong-suportadong paggasta, kumpara sa impeachment, na naglalayong tukuyin kung ang opisyal ay guilty sa betrayal of public trust at hindi na angkop sa kasalukuyang pwesto.
Aniya, ang isang partidong tumanggap ng Notice of Disallowance ay may dalawang opsyon, bayaran ang halaga o mag-apela laban sa audit action.
Gayunpaman, sinabi ni Tolosa na ayaw ng prosecution na pangunahan kung paano titimbangin ng mga senator-judge ang isang repayment o pagbabalik ng pondo.
Samantala, ang susunud na hakbang ng prosekusyon ay ang pagtukoy kung saan napunta ang pera at kung sino talaga ang mga nakatanggap nito. Gail Mendoza