MANILA, Philippines – Nagbabala ang United Nations World Food Programme (WFP) na posibleng madagdagan ng 49 milyong katao ang makararanas ng matinding gutom sa pagtatapos ng 2027 dahil sa lumalakas na epekto ng El Niño.
Batay sa pinakahuling pagsusuri ng WFP, inaasahang tataas sa 274 milyon ang bilang ng mga taong makararanas ng matinding kakulangan sa pagkain mula sa kasalukuyang tinatayang 225 milyon sa 45 bansang apektado ng krisis sa pagkain.
Ayon kay WFP Acting Executive Director Carl Skau, malaking banta ang El Niño sa seguridad sa pagkain ng milyun-milyong tao na dati nang nasa panganib.
Sinabi ng ahensya na inaasahang rurok ng El Niño ang Setyembre hanggang Disyembre 2026, ngunit magpapatuloy ang epekto nito hanggang 2027 dahil sa pinsalang idudulot sa mga susunod na anihan.
Pinakamalaking epekto ang inaasahan sa Central America at southern Africa, habang makakaranas din ng matinding epekto ang eastern Africa at South at Southeast Asia.
Tinatayang mahigit 16 milyong katao sa Latin America at Caribbean ang maaaring maapektuhan, habang higit 18 milyon naman sa East at Southern Africa ang posibleng makaranas ng paglala ng kakulangan sa pagkain.
Sa Asia at Pacific, inaasahang madaragdagan ng 8.2 milyong indibidwal ang makararanas ng matinding kagutuman, habang halos 6 milyon pa ang maaaring maapektuhan sa West at Central Africa.
Mula Mayo, nagpatupad na ang WFP ng anticipatory action plans sa South Sudan, Chad, Mauritania, Uganda, Guatemala at El Salvador, kung saan mahigit 500,000 katao ang nabigyan ng tulong na nagkakahalaga ng higit USD14 milyon.
Ayon sa WFP, bawat USD1 na inilalaan sa paghahanda laban sa kalamidad ay maaaring makatipid ng USD3 hanggang USD7 sa magiging gastusin sa pagtugon at pagbangon sa mga epekto nito. RNT/JGC