Home NATIONWIDE Importasyon sa panahon ng anihan, ‘di itutuloy — Palasyo

Importasyon sa panahon ng anihan, ‘di itutuloy — Palasyo

2
0

MANILA, Philippines – Tiniyak ng Malacañang na hindi pahihintulutang maapektuhan ang kabuhayan ng mga lokal na magsasaka dahil sa pag-aangkat ng mga produktong agrikultural sa panahon ng anihan, sa kabila ng banta ng matinding El Niño.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro nitong Miyerkules, Nobyembre 25, hindi itutuloy ang importasyon habang may anihan upang maprotektahan ang mga produktong lokal at kita ng mga magsasaka.

Sa panayam sa programang Kumpletos Rekados ng DZWT, sinabi ni Castro na sapat pa sa kasalukuyan ang suplay ng bigas, baboy, manok at produktong petrolyo sa bansa.

Gayunman, inatasan umano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga kinauukulang ahensya na patuloy na bantayan ang mga imbentaryo upang agad na makapaghanda kung kakailanganing dagdagan ang suplay mula sa ibang bansa.

Binigyang-diin ni Castro na hindi dapat mapinsala ng pag-aangkat ang mga lokal na produkto, lalo na habang inaani at ibinebenta ng mga magsasaka ang kanilang pananim.

Nauna namang sinabi ng Department of Agriculture (DA) noong Oktubre na hindi nito planong suspindihin ang rice importation dahil kailangan ding tiyakin ang sapat na suplay ng bigas bago lumala ang epekto ng El Niño.

Sa halip, hinikayat noon ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang mga rice importer na boluntaryong bawasan ang pagpasok ng imported na bigas sa panahon ng anihan.

Hindi pa malinaw kung ang pinakahuling pahayag ng Palasyo ay nangangahulugan ng pagbabago sa patakaran o pagpapatupad ng bagong import restriction.

Samantala, sinabi ni Castro na kabilang sa mga inihahandang hakbang laban sa epekto ng El Niño ang paggamit ng solar-powered irrigation systems at posibleng cloud seeding.

Gayunman, kinilala niyang may limitasyon ang cloud seeding dahil hindi matitiyak kung saang lugar babagsak ang ulan.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), inaasahang umabot sa pinakamalakas nitong yugto ang El Niño bago matapos ang taon at magpatuloy hanggang unang bahagi ng 2027.

Patuloy na binabantayan ng pamahalaan ang posibleng epekto nito sa produksyon ng pagkain at suplay ng tubig sa bansa. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here