MANILA, Philippines – Sinabi ng Malakanyang na magpapatuloy ang P12-per-liter fuel discount para sa public utility vehicle (PUV) drivers hangga’t kailangan ng transport sector ng tulong mula sa gobyerno sa gitna ng epekto ng mas mataas na presyo ng langis.
Winika ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na sa ngayon ay walang depinidong petsa kung kailan magtatapos ang fuel discount, na magiging epektibo sa Agosto 15.
“Sa ngayon ay walang definite na panahon hangga’t kailangan ng tulong ng ating mga kababayan sa transport sector ay mananatili po ang pagbibigay po ng ayuda,” aniya pa rin.
Nauna rito, inaprubahan ng Malakanyang ang pagtataas ng fuel discount para sa mga tsuper ng jeepney at UV Express, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Mula sa P10 kada litro, magiging P12 kada litro na ang diskwento simula Agosto 15.
Tinatayang aabot sa P1,800 kada linggo ang matitipid ng bawat kwalipikadong driver.
Ani Castro, ang mas mataas na discount ay makapagbibigay sa mga drivers ng P1,108 in assistance kada linggo o pahintulutan ang mga ito na maka-ipon o kumita ng P7,200 kada buwan sa pamamagitan ng government subsidy.
Tinuran pa ni Castro na naglaan ang gobyerno ng P400 million para sa fuel discount program, gayunman, ang detalye ukol sa kung gaano tatagal at mapananatili ang tulong ay hindi pa malaman.
“Sa ngayon ay may inilaan po na 400 million pesos para sa fuel discount at ang pinakadetalye po nito mamaya po ay magkakaroon ng press briefing or presscon ang DOTr at alas dos po ng hapon para po mabigay niya ang pinakadetalye kung paano narating ang dose pesos or 12 pesos na fuel subsidy para sa ating mga tsuper,” ang litaniya ni Castro.
Tugon ito ni Castro nang tanungin ukol sa kung bakit P12 per liter ang inaprubahan ng gobyerno sa halip na P20 na naunang naiulat ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Samantala, nangako naman ang Malakanyang na tutugunan ang alalahanin ng transport group na MANIBELA hinggil sa limitadong bilang ng mga gasoline stations na magpapartisipa sa fuel discount program.
“Lahat po iyan ay tinutugunan po ng ating pamahalaan at sa lahat po ng kanilang mga concerns ay makakaabot po ito para po matugunan nang mas mabilis kung ano iyong mga lugar na dapat pa na magkaroon ng mga gasoline stations na magbibigay ng fuel subsidy ay dapat po na matugunan kaagad,” ayon kay Castro.
Kaugnay pa rin nito, pinag-aaralan ng administrasyon ang karagdagang tulong para sa transport sector habang patuloy ang alalahanin sa mas mataas na fuel prices na nag-ugat sa tensyon sa Gitnang Silangan dahilan para sa pangambang pagtaas naman ng transport fares at commodity prices. (KRIS JOSE)