MANILA, Philippines – Tatlong lalaki ang inaresto matapos makumpiskahan ng tinatayang ₱15.07 milyong halaga ng umano’y smuggled na sigarilyo sa anti-smuggling operation sa Port Area, Barangay Looc, Dumaguete City, noong Martes ng gabi.
“Ikinasa ang operasyon matapos tayong makatanggap ng intelligence report na may mga kontrabandong sigarilyong isinasakay sa isang RORO vessel mula sa Pagadian City patungong Dumaguete City,” ayon kay Negros Island Region Police Office chief Brig. Gen. Romano Cardiño.
Naharang ng mga operatiba ang isang berdeng trak na may kargang 263 master cases ng umano’y ilegal at walang kaukulang dokumentong sigarilyo na nagkakahalaga ng ₱15,069,900.
Nasamsam din ang trak at mahigit 200 kahon ng pinatuyong isdang tamban na tinatayang nagkakahalaga ng ₱90,000.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act kaugnay ng mga nakumpiskang sigarilyo.
Dinala ang mga naaresto sa Dumaguete City Police Station para sa booking at dokumentasyon.
Pansamantalang inilagay sa kustodiya ng Philippine Coast Guard sa Dumaguete ang mga nasabat na sigarilyo habang isinasailalim sa kaukulang proseso. RNT