MANILA, Philippines – Nanawagan ang Malacañang na muling pairalin ang tamang pag-uugali at paggalang sa mga kabataan matapos kumalat ang video ng ilang estudyanteng umano’y nambastos kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagbisita nito sa Davao City.
Ginawa ng Palasyo ang panawagan matapos humingi ng paumanhin ang Department of Education Schools Division of Davao dahil sa “inappropriate behavior” ng ilang mag-aaral.
Binigyang-diin ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang kahalagahan ng pagiging mabuting halimbawa sa mga kabataan.
“Hindi matututo ng tamang pag-uugali ang mga kabataan kung ang nakikita nilang iniidolo nila na lider o ang mga nasa paligid nila ay wala ring modo, palamura at nagdarasal sa kapahamakan ng iba,” ani Castro.
Ikinalungkot din niya na nangyari ang insidente sa isang paaralan, kung saan dapat naipakikita ang mga pagpapahalagang natutuhan sa eskwelahan, tahanan at komunidad.
“Nakakalungkot lamang na nangyari ito sa eskwelahan pa na nagpapakita kung ano na nga ba ang natutunan nila sa mga paaralan, sa bahay at sa paligid nila,” dagdag niya.
Hinimok ni Castro ang publiko na tumulong sa pagkintal ng magandang asal at tamang pag-uugali sa mga kabataan.
“Let us bring back decency to our country. Huwag natin pabayaan ang ating mga kabataan,” aniya.
Apat na mag-aaral mula sa isang paaralan sa Davao City ang isinasailalim sa angkop na disciplinary measures, guidance and counseling, at values formation interventions tungkol sa responsible behavior, digital citizenship at paggalang sa kapwa.
Hindi tinukoy ng Schools Division ang insidenteng pinatutungkulan, ngunit nag-viral sa social media ang video ng mga estudyanteng umano’y nambabastos sa Pangulo. Kris Jose