Home NATIONWIDE Delikadong precedent: Hinarang na P85 NCR wage hike, pinasosolusyunan sa SC

Delikadong precedent: Hinarang na P85 NCR wage hike, pinasosolusyunan sa SC

3
0
Supreme Court

MANILA, Philippines — Hinimok ang Supreme Court na makialam sa mga petisyong naglalayong pigilan ang P85 dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa Metro Manila dahil maaari umano itong lumikha ng “dangerous precedent.”

Naglabas noong nakaraang linggo ang isang korte sa Pasig City ng temporary restraining order laban sa wage hike na nakatakdang ipatupad nang hulugan o tranches. May hiwalay ding petisyong inihain sa korte sa Navotas City upang harangin ang dagdag-sahod.

Nanawagan si Rep. Perci Cendaña ng Akbayan party-list sa Supreme Court, bilang tagapangasiwa ng lahat ng korte sa bansa, na imbestigahan kung lumabis sa kapangyarihan ang mga mababang hukuman.

“We hope that the Supreme Court motu proprio will conduct a probe on this issue kasi the Supreme Court is the administrator nung lahat ng ating korte sa Pilipinas,” sinabi ni Cendaña sa ANC.

“Sana sa lalong madaling panahon… kinakailangan ang korte [suprema] tingnan [kung] nang-abuso ba ng kapangyarihan ang ating mga korte para pigilan itong wage hike. Kasi pag hindi nagawa the soonest time possible mauulit at mauulit ito hindi lamang sa NCR kundi sa buong Pilipinas,” dagdag niya.

Binatikos din ni Cendaña ang Department of Labor and Employment dahil agad itong sumunod sa utos ng korte sa Pasig.

“Sabi nga namin hindi man lang nanindigan ang DOLE para sa mga manggagawa knowing na alam nila malinaw itong paglabag sa ating Labor Code,” aniya.

“Nakakatakot yung precedent na puwedeng i-set nitong TRO ng Pasig City kasi ibig sabihin every time mayroong regional wage increase na mabibigay tatakbo lang sa RTC yung mga businesses at yung mga capitalists para harangin ito.”

Nauna nang sinabi ni Labor Secretary Francis Tolentino na hahayaan niyang ang korte ang magpaliwanag sa batayan ng desisyon nito, habang tiniyak na patuloy na tutuparin ng DOLE ang mandatong protektahan ang mga manggagawa.

Ayon naman kay Rep. Chel Diokno, na mula rin sa Akbayan party-list, nakasaad sa Article 126 ng Labor Code na hindi maaaring maglabas ang mga korte ng temporary restraining order o injunction laban sa mga aksyon at desisyon ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards.

Nagpatibay din ang ilang senador ng resolusyong humihiling sa korte sa Pasig City na bawiin ang TRO, batay sa parehong probisyon ng Labor Code.

Sinabi ng Malacañang na nakahanda ang Office of the Solicitor General na ipagtanggol sa korte ang P85 dagdag-sahod.

“Sa ngayon po ay mayroon na pong ginagawa po na dokumento at pagtutol. Although of course iginagalang natin ang lahat ng korte pero ang pamahalaan, ang administrasyon ay mayroon naman din pong karapatan na ihayag kung ano ang nararapat para sa ating mga kababayan at sa ating mga manggagawa,” pahayag ni Palace Press Officer Claire Castro. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here