MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ni Senator-Judge Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Biyernes ang iniulat na benta at taxable income ng dalawang kumpanyang iniuugnay kay Vice President Sara Duterte-Carpio kaya hiniling sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na repasuhin ang lahat ng tax record upang matukoy kung tama ang pagkakakuwenta ng obligasyong buwis.
Hiniling ni Lacson sa BIR na i-reconcile ang iniulat na total sales ng GenCorp Industries Inc. na P520,670,653 noong 2025 na may iniulat na buwis na binayaran nitong P777,093 samantalang may authorized capital stock ito na P5 milyon, at net income after tax na P3,057,535.
“Gusto ko makita ang computation ng 2% of Gross Income after deducting the cost of goods sold from the total sales,” aniya kay BIR Office of the Commissioner Chief of Staff Atty. Anne Loraine Garcia-Marquez sa impeachment trial nitong Biyernes.
Sa ilalim ng batas sa pagbubuwis, ang minimum corporate income tax (MCIT) ay karaniwang katumbas ng 2% ng gross income ng isang korporasyon. Nagsisimula itong ipataw sa ikaapat na taxable year matapos ang taon kung kailan nagsimula ang operasyon ng kumpanya, kapag mas mataas ang MCIT kaysa sa regular corporate income tax.
Binanggit ni Garcia-Marquez na nasa P406 milyon ang cost of sales ng GenCorp at humigit-kumulang P114 milyon ang gross income nito. Katumbas ito ng MCIT na nasa P2.28 milyon sa 2% rate. Gayunman, kailangan ding matukoy kung saklaw ng MCIT ang GenCorp para sa 2025.
Nang sinabi ni Garcia-Marquez na “sobrang labo” ang kopya niya ng records, tumugon si Lacson na: “Pero sobrang labo ng kwenta kaya ako nagtatanong eh.”
Kinuwestiyon din ni Lacson ang Cale88 Foods Corp., na may authorized capital stock na P2 milyon ngunit nag-ulat ng pinagsama-samang benta na P208 milyon mula 2022 hanggang 2025, habang nagtala naman ng pinagsama-samang negatibong taxable income na humigit-kumulang P8 milyon sa loob ng apat na taon.
Binanggit niya na noong 2024, umabot sa P150.7 milyon ang kabuuang benta ng Cale 88 ngunit nagdeklara ito ng negatibong taxable net income na P6.128 milyon.
“Kino-compare ko sa kanilang total sales, parang hindi rin magtugma. Ano ang implication as far as BIR? Mako-consider nyo bang red flag pag ganito?” tanong niya.
Sinabi ni Garcia-Marquez na maaaring suriin ng BIR ang mga numero sa pamamagitan ng audit upang matukoy kung bakit nagdeklara ng pagkalugi ang Cale 88.
Inilista ng Bise Presidente ang GenCorp bilang business interest sa kanyang mga Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), habang iniuugnay naman ang Cale88 sa kanyang asawang si Atty. Manases Carpio. Ernie Reyes