Home METRO Gr. 8 nahulihan ng marijuana sa iskul; 7 arestado sa sugal sa...

Gr. 8 nahulihan ng marijuana sa iskul; 7 arestado sa sugal sa Valenzuela

1
0

VALENZUELA CITY — Arestado ang pitong indibidwal sa magkakahiwalay na operasyon kontra ilegal na sugal sa Valenzuela City, habang isang 16-anyos na Grade 8 student ang nabistong may dalang hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana sa loob ng paaralan.

Sa ulat, nagsasagawa ng Anti-Criminality Operation “Oplan Galugad” ang mga tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station 9 nang maaktuhan ang dalawang lalaki na umano’y naglalaro ng “Lucky 9” sa Karuhatan Public Cemetery, Barangay Karuhatan dakong 1:48 ng hapon noong Miyerkules.

Nasamsam sa mga ito ang bet money, baraha at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakuha umano kay alias “Apolinar,” 46, residente ng Barangay Ugong.

Dakong 9:35 ng umaga nitong Huwebes, nahuli naman ng mga operatiba ng Sub-Station 8 ang tatlong indibidwal na umano’y naglalaro ng “cara y cruz” sa isang bakanteng lote sa A-2 Tatlong Street, Barangay Ugong.

Nakuha sa kanila ang bet money, gambling paraphernalia at isang sachet ng hinihinalang shabu na nasamsam umano kay alias “Leo,” 46, isang tricycle driver.

Nauna rito, dakong alas-2 ng madaling araw nitong Huwebes, inaresto ng mga operatiba ng Sub-Station 5 ang dalawang lalaki na umano’y naglalaro rin ng “cara y cruz” sa M.H. Del Pilar corner Sta. Cruz Street, Barangay Palasan.

Nasamsam ang gambling paraphernalia, bet money at isang sachet ng hinihinalang shabu na nakuha umano kay alias “Pedro,” 31, isang security guard.

Samantala, nabisto dakong 6:30 ng umaga ang isang 16-anyos na Grade 8 student na may dalang hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana sa loob ng JEDS National High School malapit sa boundary ng Barangay Ugong at Gen. T. De Leon. Merly Duero

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here