MANILA, Philippines – Sinabi ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez na “very eager” ang Estados Unidos na maresolba agad ng Pilipinas ang kahilingan nitong ipa-extradite si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy.
Ayon kay Romualdez, naipasa na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pormal na kahilingan sa Department of Justice (DOJ), kaya nasa kamay na ngayon ng mga awtoridad sa Pilipinas ang desisyon.
Si Quiboloy ay nakadetine sa Pasig City Jail mula pa noong Setyembre 2024 dahil sa mga kasong may kaugnayan sa pang-aabuso sa mga bata at nahaharap din sa kasong qualified human trafficking. Kasama rin siya sa most wanted list ng US Federal Bureau of Investigation (FBI) dahil sa kasong sex trafficking sa Amerika.
Sinabi ni Romualdez na natural lamang na nais ng US na maisakatuparan ang extradition dahil ito ay may kinalaman sa isang transnational crime. Gayunman, iginiit niyang kailangang maging maingat ang Pilipinas sa paghawak ng usapin at isaalang-alang ang mga umiiral na batas at kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa.
Ayon naman kay Justice Secretary Fredderick Vida, susuriing mabuti ng DOJ ang kahilingan. Isasaalang-alang nito ang mga kasong kinahaharap ni Quiboloy sa Pilipinas, mga naunang desisyon ng Korte Suprema, at ang mga probisyon ng extradition treaty ng Pilipinas at US.
Sa ilalim ng kasunduang ito, maaaring pansamantalang ipadala si Quiboloy sa US para litisin at ibalik sa Pilipinas pagkatapos ng paglilitis, o kaya naman ay ipagpaliban muna ang extradition hanggang matapos ang mga kasong kinahaharap niya sa bansa.
Tiniyak ni Vida na bibigyan ng prayoridad ng DOJ ang pag-aaral sa kahilingan at ipapaalam sa publiko ang magiging desisyon sa lalong madaling panahon. RNT/MDS