Home NATIONWIDE Hiling ng US na extradition kay Quiboloy, pag-aaralan ng DOJ

Hiling ng US na extradition kay Quiboloy, pag-aaralan ng DOJ

3
0
(c) Cesar Morales

MANILA, Philippines – Inihayag ng Department of Justice (DOJ) na susuriin nito ang kahilingan ng United States na ipa-extradite ang Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder na si Pastor Apollo Quiboloy upang litisin sa US.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, natanggap na ng DOJ ang mga dokumentong sumusuporta sa extradition request na ipinadala ng US Department of State sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Sinabi ni Castro na kailangang pag-aralan, suriin, at resolbahin ang kahilingan sa tamang panahon upang matiyak ang hustisya para sa mga umano’y biktima sa Pilipinas at sa US, gayundin para sa akusado.

Nakabatay ang hiling ng US sa 2021 indictment laban kay Quiboloy sa California kaugnay ng mga kasong sex trafficking ng mga menor de edad, visa fraud, at bulk cash smuggling.

Sa ilalim ng 1994 Philippines-US Extradition Treaty, maaaring pansamantalang isuko ng Pilipinas ang isang taong may kinahaharap na kaso rito. Kung maaaprubahan ang extradition, mananatili si Quiboloy sa kustodiya ng US habang nililitis at ibabalik sa Pilipinas pagkatapos ng paglilitis.

Naaresto si Quiboloy noong Setyembre 2024 at kasalukuyang nakakulong sa Pasig City Jail habang hinaharap ang mga lokal na kasong qualified human trafficking at child abuse, na mariin niyang itinatanggi. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here