MANILA, Philippines – Lantarang hinamon ng Senado sa pamumuno ni Senate President Sherwin Gatchalian ang National Electrification Administration (NEA) na magkaroon ng “full electrification” sa buong bansa bago sumapit o pagsapit ng 2028.
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na habang patuloy na pinapasan ng pamilyang Pilipino ang mataas na presyo ng singil sa kuryente, sinabi ni Gatchalian na ang pagpapababa ng singil nito ay dapat kasabay ng pagtiyak na ang lahat ay may kuryente.
Sa paggunita ng National Electrification Awareness Month ngayong Agosto, hinimok ni Gatchalian ang NEA na tapusin ang programa ng pamahalaan sa rural electrification pagdating ng 2028.
Aniya, milyong-milyong Pilipino pa rin ang walang kuryente sa malalayong lugar at bulubundukin na nagiging hadlang sa pag-unlad ng komunidad tulad ng paaralan at bzrangay.
Partikular noong Hunyo ng nakaraang taon, sinabi ng senador na halos 3 milyong pamilyang Pilipino pa ang walang kuryente.
Ang NEA ay nabigyan ng pondong P13.16 bilyon ngayong taon, kabilang ang P9.342 bilyon para sa National Rural Electrification Program at P2.6 bilyon na pautang sa mga electric cooperative.
“Hindi katanggap-tanggap na mayroon pa tayong mga kababayan na wala pang kuryente sa panahon ng digital age. Binigyan natin ng sapat na suporta sa budget ang programang ito sa loob ng maraming taon kaya’t dapat lang na magkaroon ng kuryente ang lahat ng Pilipino sa lalong madaling panahon,” pagdidiin ni Gatchalian.
Ang maaasahang kuryente para sa bawat pamilyang Pilipino ay napakahalaga upang mapabuti ang pamumuhay at mapababa ang pangkalahatang gastos sa kuryente sa pamamagitan ng pagpapalawak ng access dito at pagpapatibay ng pamamahagi nito. Ernie Reyes