Home NATIONWIDE Pagtawag ng China na ‘illegal’ label sa chart ng Pilipinas sa Panatag...

Pagtawag ng China na ‘illegal’ label sa chart ng Pilipinas sa Panatag Shoal kinontra ng DND

2
0

MANILA, Philippines — Iginiit ng Department of National Defense (DND) na legal ang pagsusumite ng Pilipinas sa United Nations ng updated nautical chart na naglalarawan sa maritime zones sa paligid ng Panatag Shoal, taliwas sa pahayag ng China na ito ay “illegal, null and void.”

Ayon sa DND, ang Bajo de Masinloc o Panatag Shoal ay bahagi ng pambansang teritoryo ng Pilipinas at ang mga maritime entitlement nito ay nakabatay sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at sa 2016 arbitral ruling sa South China Sea dispute.

Sinabi ng ahensya na ang pagsusumite ng updated nautical chart ay isang lehitimong hakbang upang malinaw na maipabatid sa international community ang mga hangganan ng maritime zones ng Pilipinas sa paligid ng Panatag Shoal.

Una nang kinondena ng Chinese Ministry of National Defense ang hakbang ng Pilipinas at iginiit na ang Huangyan Dao, tawag ng Beijing sa Panatag Shoal, ay “inherent territory” ng China.

Ayon kay Senior Col. Chen Xi, tagapagsalita ng Chinese defense ministry, nilabag umano ng Pilipinas ang territorial sovereignty at maritime rights ng China.

Kasabay nito, ipinagtanggol ni Chen ang joint military exercises ng People’s Liberation Army Southern Theater Command sa paligid ng Panatag Shoal, na aniya ay isang “serious warning” laban sa tinawag niyang provocations ng Pilipinas.

Sinabi rin niyang nagsagawa ang China Coast Guard ng law-enforcement training sa mga kalapit na katubigan.

Samantala, mariing tinanggihan ng DND ang mga alegasyon ng China at sinabing magpapatuloy ang Pilipinas sa legal na paggamit ng soberanya nito sa Bajo de Masinloc.

“We will not be deterred by China’s false narratives and hooliganism, as evidenced by its continued aggressive activities and attempts to distort history and the rules-based international order,” pahayag ng DND.

“Di kami pasisiil,” dagdag pa ng ahensya.

Noong Hulyo 2016, nagpasya ang arbitral tribunal sa The Hague na ang mga batong nasa ibabaw ng tubig sa Panatag Shoal kapag high tide ay hindi lumilikha ng sariling exclusive economic zone (EEZ) o continental shelf sa ilalim ng Article 121(3) ng UNCLOS.

Gayunman, sinabi ng tribunal na may territorial sea ang mga naturang feature at hindi nito pinagpasyahan kung sino ang may soberanya sa Panatag Shoal.

Natukoy rin ng tribunal na matagal nang tradisyunal na fishing ground ang Panatag para sa mga mangingisda mula sa Pilipinas, China at iba pang bansa, at na ilegal na hinarangan ng China ang mga Pilipinong mangingisda sa paggamit ng kanilang traditional fishing rights matapos ang 2012 standoff. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here