ISANG malaking ginhawa at karagdagang tipid sa bulsa ang naghihintay para sa milyun-milyong miyembro ng Pag-IBIG Fund sa kanilang pang-araw-araw na pamamalengke. Ito ay matapos opisyal na makipagkapit-bisig ang ahensya sa kilalang membership shopping chain na Landers Superstore upang magkaloob ng mga eksklusibong diskwento at espesyal na pribilehiyo sa bawat tahanang Pilipino.
Matapos ang opisyal na paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA), ang lahat ng mga cardholders ng Pag-IBIG Loyalty Card at Loyalty Card Plus ay maaari nang mag-enjoy sa iba’t ibang kapakinabangan at benepisyo sa Landers, kabilang ang mga sumusunod:
FREE Landers Shopping Pass para sa mga gustong sumubok na mamili sa kanilang establisimiyento;
FREE 1-Year Landers Premium Membership para sa bawat minimum na ₱3,000 single-receipt purchase; at
Special Upgrade to Executive Membership sa abot-kayang halagang ₱300 lamang.
Pormal na pinagtibay ang strategic partnership na ito sa pamamagitan ng paglagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) nitong Biyernes, Agosto 7, 2026, na ginanap sa Landers Aseana, Parañaque City.
Pinangunahan ang opisyal na seremonya nina Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene C. Acosta at Deputy CEO Alexander Hilario G. Aguilar, kasama ang mga kinatawan ng Landers Superstore na sina Deputy Chief Executive Officer Bill Cummings at Vice President Kenneth Charles E. Ocampo.
Ayon kay Pag-IBIG Fund CEO Marilene Acosta, ang hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng ahensya na magbigay ng mas mataas na halaga at praktikal na benepisyo sa kanilang membership na magagamit ng mga Pilipino sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Dahil ang mga gastusin sa groceries at gamit sa bahay ay kumakain ng malaking bahagi sa buwanang badyet ng bawat pamilya, ang mga alok na ito ng Landers ay malaking tulong upang mas mapagkasya ng mga manggagawa ang kanilang pinaghirapang kita.
Ang inisyatibong ito ay lalo pang nagpapalawak sa lumalaking network ng Pag-IBIG Fund na kasalukuyang mayroong mahigit 500 Loyalty Card partner merchants sa buong bansa. Nagbibigay ito ng mas maraming oportunidad sa mga miyembro na makatipid sa iba’t ibang serbisyo habang sinusulit ang kanilang membership.
Ang mga eksklusibong alok na ito para sa mga Pag-IBIG Loyalty cardholders ay magagamit sa lahat ng 16 na participating Landers Superstore branches sa buong bansa simula Agosto 1 hanggang Oktubre 31, 2026.






