MANILA, Philippines – Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kahalagahan ng aktibong pakikilahok ng publiko sa mga usaping panlipunan bilang bahagi ng kanyang adhikain na makamit ang isang “Bagong Pilipinas.”
Sa kanyang vlog nitong Sabado, Agosto 8, nagpasalamat si Marcos sa mga Pilipinong nagpadala ng liham at mensahe matapos ang kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 27.
Hinimok niya ang publiko na patuloy na makilahok sa mga talakayan at hakbang na may kaugnayan sa pag-unlad ng bansa.
“Ang inyong aktibong pakikilahok sa mga usaping panlipunan ay mga katangian ng pagiging isang bagong Pilipino,” ani Marcos.
Sinabi ng Pangulo na dapat tingnan ang SONA bilang tuloy-tuloy na pagsisikap ng pamahalaan na tugunan ang mga problema ng bansa at maisakatuparan ang mga hangarin ng mga Pilipino.
Kabilang sa mga natanggap niyang mensahe ang mga liham mula sa mga kabataan na naglalaman ng kanilang mga hinaing tungkol sa kalusugan, kagutuman at iba pang suliraning kinakaharap ng kanilang mga pamilya at komunidad.
Ibinahagi ni Marcos ang liham ng mga miyembro ng Youth for Health Coalition, kabilang ang isang kabataang Pilipino na may amang sumasailalim sa dialysis habang nakararanas naman ng problema sa pagkain ang kanilang pamilya.
Dahil dito, binanggit ng Pangulo ang Walang Gutom Program, na nagbibigay ng tulong sa mga Pilipinong walang sapat na pagkain at hindi nakatitiyak na makakakain ng tatlong beses bawat araw.
Tinalakay rin niya ang programa ng pamamahagi ng 10-kilogram na sako ng bigas sa mga pamilyang nangangailangan, na isinasagawa nang anim na beses bawat taon, gayundin ang mga feeding program para sa mga Kindergarten at Grade 1 learners at iba pang estudyanteng nangangailangan ng tulong.
Samantala, nanawagan si Youth for Health Coalition convener Aliyah Mae Lozari ng mas malaking atensyon sa mga usaping pangkalusugan ng kabataan, kabilang ang pag-inom ng alak at masamang epekto ng secondhand smoke.
Sinabi ni Marcos na kabilang sa pangunahing prayoridad ng kanyang administrasyon ang kalusugan, lalo na ng mga kabataan at ng buong populasyon.
“Kahit gaano ka kasikat, kahit gaano ka kayaman kapag ikaw ay may sakit, hindi magiging maganda ang buhay mo,” ani Marcos.
Tiniyak naman ng Pangulo sa mga nagpadala ng liham at mensahe na patuloy na pakikinggan ng pamahalaan ang kanilang mga hinaing.
Binigyang-diin niya na hindi lamang nakasalalay sa gobyerno ang pag-unlad ng bansa, kundi mahalaga rin ang papel ng bawat mamamayan sa paghubog ng kinabukasan ng Pilipinas. RNT/JGC