Home NATIONWIDE Koleksyon ng basura sa Maynila tuloy sa kabila ng malalakas na pag-ulan

Koleksyon ng basura sa Maynila tuloy sa kabila ng malalakas na pag-ulan

1
0

MANILA — Patuloy ang operasyon ng pagkokolekta ng basura sa Lungsod ng Maynila sa kabila ng ilang araw na walang tigil na malakas na pag-ulan na nagdulot din ng pagbaha at pagkatumba ng mga puno sa ilang lugar.

Ayon kay Department of Environment and Public Services (DEPS) Director Kenneth Amurao, nananatiling normal ang operasyon ng solid waste management ng lungsod nitong Lunes ng umaga, Agosto 10.

Kasabay nito, normal din ang operasyon ng Manila Transfer Station, kung saan dinadala muna ang mga nakolektang basura bago ito ihakot patungo sa final disposal site.

Sinabi ni Amurao na nagpapatuloy rin ang operasyon ng San Mateo Sanitary Landfill, na siyang isa sa mga destinasyon ng basurang nakokolekta mula sa Maynila, sa kabila ng masamang lagay ng panahon.

Dahil sa tuloy-tuloy na malalakas na ulan mula Sabado, Agosto 8, bunsod ng pinalakas na Southwest Monsoon o habagat, naging hamon sa mga frontline worker ng lungsod ang pagpapanatili ng mga pangunahing serbisyo.

Bukod sa regular na pangongolekta ng basura, nakaantabay din ang mga tauhan ng DEPS sa paglilinis ng mga kalsadang naapektuhan ng mga natumbang puno dahil sa malakas na hangin at ulan.

Agad na nagsasagawa ng clearing operations ang mga tauhan upang maalis ang mga sagabal at maibalik ang maayos na daloy ng mga sasakyan at mga naglalakad.

Sa kabila ng patuloy na pag-ulan, tiniyak ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na nagpapatuloy ang DEPS sa kanilang mahahalagang operasyon upang mapanatili ang kalinisan at kaayusan sa mga pangunahing lugar ng Maynila. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here