Home NATIONWIDE Serbisyong pangkalusugan sa mga pagbaha tiniyak ni Isko

Serbisyong pangkalusugan sa mga pagbaha tiniyak ni Isko

1
0

MANILA — Tiniyak ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang patuloy na paghahatid ng serbisyong pangkalusugan sa mga Manilenyong naapektuhan ng malalakas na ulan at pagbaha.

Bukas ngayong Lunes, Agosto 10, ang mga health center sa lungsod mula 7:00 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali upang tugunan ang pangangailangan ng mga residenteng posibleng na-expose sa baha.

Ayon sa Manila Health Department (MHD), maaaring magtungo ang mga residenteng sumuong o naapektuhan ng baha sa pinakamalapit na health center upang makakuha ng libreng doxycycline bilang bahagi ng hakbang laban sa leptospirosis.

Itinakda ang operasyon ng mga health center bilang leptospirosis lane, kaya pansamantalang walang regular na check-up sa nasabing oras.

Ang hakbang ay bahagi ng pagtugon ng pamahalaang lungsod sa panganib ng leptospirosis kasunod ng ilang araw na matinding pag-ulan at pagbaha.

Para naman sa mga residenteng may nararamdamang sintomas o nangangailangan ng regular na konsultasyon, pinayuhan silang magtungo sa pinakamalapit na LGU hospital sa kanilang lugar.

Sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Isko Moreno, patuloy na nakaantabay ang mga health personnel ng lungsod upang matiyak na hindi mapuputol ang pangunahing serbisyong medikal sa kabila ng masamang panahon.

Muling hinikayat ng pamahalaang lungsod ang mga Manilenyo na mag-ingat, iwasang lumusong sa baha kung hindi kinakailangan at agad na kumonsulta sa health professionals kung makaranas ng anumang sintomas matapos ma-expose sa baha. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here