Home METRO Higit 800 evacuees sa Maynila, apektado ng habagat

Higit 800 evacuees sa Maynila, apektado ng habagat

3
0
via Manila City Information Office

MANILA, Philippines — Umabot na sa mahigit 850 indibidwal mula sa 243 pamilya ang lumikas at sumilong sa mga evacuation center sa Lungsod ng Maynila habang nagpapatuloy ang malalakas na pag-ulan dahil sa pinalakas na Southwest Monsoon o habagat.

Ayon kay Manila Department of Social Welfare (MDSW) Director Jay Reyes Dela Fuente, patuloy na tinutugunan ng pamahalaang lungsod ang pangangailangan ng mga residenteng napilitang lumikas bunsod ng pagbaha at masamang panahon.

Sa ulat ni Dela Fuente, dakong alas-8 ng umaga, pinakamarami ang mga evacuee sa Barangay 101 Evacuation Center sa unang distrito.

May 150 pamilya o 471 indibidwal na kasalukuyang nananatili sa Brgy. 101-OVP Building.

Sa District 5, nasa 35 pamilya o 155 indibidwal mula sa Barangays 738 at 800 na malapit sa Tripa de Galina sa San Andres ang lumikas patungo sa evacuation center ng District Welfare Office V.

Samantala, 54 pamilya o 211 indibidwal naman ang nakasilong sa Baseco Evacuation Center, habang apat na pamilya o 18 indibidwal mula Barangay 598 ang nasa Likha Court Evacuation Center sa District 6.

Tiniyak naman ng MDSW na patuloy na nabibigyan ng pangunahing pangangailangan ang mga evacuee, kabilang ang mainit na pagkain gaya ng champorado, lugaw at noodles, gayundin ang snacks, tanghalian at hapunan.

Namahagi rin ng ready-to-eat meals at bottled water, bukod sa damit, modular tents at sleeping mats para sa mga residenteng pansamantalang nananatili sa evacuation centers.

Ang mabilis na pagtugon ng MDSW ay bahagi ng patuloy na paghahanda at pagtugon ng pamahalaang lungsod sa ilalim ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa epekto ng walang tigil na pag-ulan at pagbaha.

Patuloy namang nakaantabay ang mga social welfare personnel upang matiyak ang kaligtasan at pangangailangan ng mga Manilenyong lumikas dahil sa habagat. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here