MANILA, Philippines – Alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bawasan ang pasanin ng mga mamamayang filipino dulot ng pagbaha, personal na in-inspeksyon ni DPWH Secretary Vince Dizon ang Las Piñas upang alamin ang kalagayan ng komunidad at flood control initiatives ng ahensya.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, ayon sa mga residente, kapansin-pansin ang mabilis na paghupa ng tubig. Kung noon ay hanggang tuhod ang baha, ngayon ay halos hindi na umaabot sa gutter ang tubig.
Dahil sa nakita na agarang resulta, epekto na rin ito sa kampanya ng pamahalaan kontra baha. Kapansin-pansin na mabilis na humupa ang tubig baha sa ilang bahagi ng Navotas, Valenzuela, Manila, at G. Araneta Avenue at E. Rodriguez na dati ay palaging lubog sa tubig.
Pero sa likod nito, ipinag-utos ng Pangulo ang tuluy-tuloy na pag-ayos ng mga proyektong makatutulong matugunan ang problema ng pagbaha lalo na sa iba pang mga apektadong lugar.
Nanawagan din ang Pangulo sa mga lokal na pamahalaan na magtulungan upang matugunan ang problema kasama na ang mga residente na maging responsable sa pagtapon ng basura – whole-of-nation approach laban sa baha.
Ipinag-utos ng kalihim ang pinaigting na dredging operations, pagkakabit ng HDPE pipes at patuloy na operasyon ng pumping stations upang hindi umapaw ang mga ilog at estero.
Ganitong sitwasyon din ang naiulat kamakailan sa kahabaan ng G. Araneta Avenue sa Quezon City matapos isagawa ang rehabilitation ng drainage system sa lugar. Kung noon ay madalas abot dibdib ang taas ng tubig tuwing malakas ang ulan, ngayon ay hindi na ito naiipon dahil mabilis na umaagos ang tubig patungo sa drainage channels. (KRIS JOSE)