MANILA, Philippines – Naghain si Senador Joel Villanueva ng panukalang magtatatag ng malinaw na legal framework para sa part-time employment upang matiyak na ang mga part-time worker ay magkakaroon ng mga karapatan at benepisyong katumbas ng tinatamasa ng kanilang full-time counterparts.
Ayon kay Villanueva, chairperson ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development, layunin ng Senate Bill No. 2375, o Part-Time Employment Act, na amyendahan ang Labor Code upang magkaroon ng malinaw na depinisyon ng part-time employment at matiyak ang sapat na proteksiyon sa mga manggagawang nasa ganitong uri ng trabaho.
“An express legal framework on part-time employment is necessary because the Labor Code contains no specific provisions governing part-time work, leaving its regulation largely to the Department of Labor and Employment’s 1996 Explanatory Bulletin,” sabi ni Villanueva.
“At the same time, technological advancements and evolving business models have increased the demand for flexible work arrangements, while existing labor laws remain anchored on the traditional eight-hour workday,” dagdag niya.
Sa ilalim ng panukala, ang mga part-time employee ay magkakaroon ng mga karapatan at benepisyong katumbas ng sa mga regular o full-time na manggagawa. Kabilang dito ang sahod na nakabatay sa aktuwal na oras ng trabaho, ngunit hindi bababa sa itinakdang minimum wage; mandatory social protection sa ilalim ng SSS, PhilHealth at Pag-IBIG; security of tenure; statutory leave benefits; retirement pay; at karapatang magtatag o sumapi sa mga unyon at makipag-collective bargaining.
Binanggit ni Villanueva ang datos ng pamahalaan na nagpapakita na umabot sa 3.93 milyon ang underemployed na manggagawa noong Disyembre 2025. Aniya, ang mga ito ay naghahanap pa ng dagdag na oras ng trabaho o mas angkop na hanapbuhay.
Sinabi ng senador na ang panukala ay magbubukas ng mas maraming oportunidad sa trabaho para sa mga estudyante, magulang, senior citizens, persons with disabilities (PWDs), at mga manggagawang may mga responsibilidad sa pag-aalaga, sa pamamagitan ng mas flexible na work arrangements na naaayon sa kanilang iskedyul.
Sa ilalim ng panukala, ang part-time employment ay tumutukoy sa mga manggagawang ang regular na oras ng trabaho ay mas maikli kaysa sa karaniwang oras ng trabaho sa isang kumpanya o kaysa sa oras ng mga full-time employee. Hindi kabilang dito ang irregular, temporary, o intermittent work, gayundin ang mga kasong pansamantalang nabawasan ang oras ng trabaho dahil sa mga kadahilanang pang-ekonomiya, teknikal, o istruktural.
Inaatasan din ng panukala ang Department of Labor and Employment (DOLE), sa pakikipagkonsulta sa National Tripartite Industrial Peace Council at iba pang stakeholders, na maglabas ng implementing rules and regulations sa loob ng 90 araw mula sa pagkabisa ng batas. Ang mga opisyal na sadyang hindi susunod sa utos na ito o maglalabas ng mga patakarang labag sa batas ay maaaring managot sa administratibong parusa. Ernie Reyes