Home METRO Mga residente ng Malabon hagip ng pagtaas ng tubig sa Ilog ng...

Mga residente ng Malabon hagip ng pagtaas ng tubig sa Ilog ng Tullahan, maagang pinalikas

3
0

MANILA, Philippines – Nagsagawa ng maagap na hakbang ang Pamahalaang Lungsod ng Malabon sa pangunguna ni Mayor Jeannie Sandoval upang protektahan ang mga residente sa posibleng epekto ng pagtaas ng tubig sa Tullahan River, kabilang ang paghikayat sa mga residente sa mga lugar na madalas bahain na lumikas bilang pag-iingat sa gitna ng malakas na ulang dala ng Habagat.

Ang hakbang na ito ay kasunod ng pinakahuling pagsubaybay sa antas ng tubig; ang La Mesa Dam ay umabot sa 80.13 metro 12:00 ng tanghali habang ang Angat Dam naman ay nasa 161.81 metro alas-9:00 ng umaga. Naitala rin ang antas ng tubig sa Tinajeros Bridge sa 11.0 metro alas-1:00 ng hapon, ayon sa Malabon Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).

“Nitong mga nakaraang araw ay nakaranas tayo ng malakas na pag-ulan. Bagama’t tayo ay nakahanda para sa anumang magiging epekto nito, inaanyayahan natin ang bawat tahanang Malabueño na siguruhin ang kaligtasan ng bawat pamilya. Hindi biro ang malakas na pag-ulan at pagbaha kaya dapat lagi tayong alerto. Patuloy tayong nakikipag-ugnayan sa mga barangay, mga ahensiya, at organisasyon upang masiguro ang kaayusan at sistema para sa kapakanan ng ating mga kababayan,” ani Mayor Jeannie.

Nagsagawa ang MDRRMO, kasama ang army reservist ng monitoring at koordinasyon sa mga Brgy. ng Tinajeros, Niugan, Longos, at Potrero para hikayatin ang mga residente, lalo na ang mga nasa mabababang lugar na madalas bahain na lumikas nang maaga sa halip na hintayin pang umabot sa mapanganib na antas ang tubig-baha.

Tiniyak din ng Pamahalaang Lungsod na bukas ang nasa 43 evacuation center sa buong lungsod, habang inihahanda naman ang mga relief pack na ipamamahagi sa mga pamilyang nakalikas na.

Ayon sa MDRRMO, as of 1:00pm ng August 10, may 29 pamilya o 119 individuals ang pansamantalang lumikas sa tatlong evacuation center sa lungsod habang tiniyak din ni Mayor Jeannie na nananatiling gumagana ang 40 pumping station ng lungsod upang tumulong sa pagbaba ng tubig ng pagbaha.

Patuloy rin ang pagtanggal ng bara at paglalagay ng mga sandbag kabilang ang ilang bahagi ng Tullahan River. Nagsasagawa rin ang CENRO ng mga paglilinis at paghahakot ng basura upang matiyak na walang bara ang mga pangunahing kalsada, daluyan ng tubig, at drainage systems.

“Ang mahalaga ngayon ay huwag na nating hintayin na lumala ang sitwasyon bago tayo kumilos. Ang maagang paglikas ay isang preventive measure upang maprotektahan ang buhay at kaligtasan ng ating mga kababayan. Hinihikayat namin ang ating mga residente na makipag-ugnayan sa kanilang barangay at sundin ang mga abiso ng ating mga awtoridad.,” ani City Administrator Dr. Alexander Rosete. (Merly Duero)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here