MANILA, Philippines – Naghain si Senador Robinhood “Robin” Padilla ng panukalang batas na magpaparusa sa sinumang sadyang gagamit ng maling address upang hindi makalahok ang isang respondent sa preliminary investigation.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1957, maaaring makulong ng anim na buwan hanggang dalawang taon at pagmultahin ng ₱100,000 hanggang ₱300,000 ang sinumang mapapatunayang sadyang nagbigay ng pekeng address.
Ayon kay Padilla, layunin ng panukala na protektahan ang mga tao laban sa mapanlinlang o mapang-abusong pag-uusig at tiyaking nabibigyan ang respondent ng pagkakataong malaman at sagutin ang mga paratang laban sa kanya.
“Every Filipino has the right to be given the opportunity to know and answer the allegations against them. A false address should not be used as a means to conduct a preliminary investigation without giving the respondent the opportunity to appear and respond,” ani Padilla.
Sinabi rin niya na ang paggamit ng maling address ay nagsasayang ng oras at pondo ng justice system at dapat managot ang sinumang gumagawa nito upang malusutan ang tamang proseso.
Binigyang-diin ng panukala na ang preliminary investigation ay isinasagawa upang malaman kung may sapat na batayan upang sampahan ng kaso ang isang tao.
Ayon kay Padilla, layunin ng panukala na palakasin ang proteksiyon laban sa mapang-abusong pag-uusig at mapanatili ang integridad ng proseso ng preliminary investigation. RNT/MDS